Advertisers
ANO ba talaga ang dahilan bakit may mga nagnanais nang ipagbawal dito sa atin ang Philippine Offshore Gambling/Gaming Operators o’ POGO?
Dahil sa kita at pera ba? O sa krimen na ngayon ay nagsisilabasan na, bunsod sa mahirap na pagpapatakbo nito?
Kung kita o’ pera, ang dahilan, maaaring may di nakatanggap nito, kaya nagsisigawan ang iba na ipasara na lamang ang mga POGO.
Noon kasing pasimula pa lamang ang POGO (2016) dito sa atin, kung inyong matatandaan, ay ikinakulong pa ng malalaking tao ang umano’y P50 milyong “gayla” para lamang pakawalan ang 1,300 di dokumentadong mga “Intsik” na empleyado ng POGO na inooperate ng ‘gambling tycoon na si Jack Lam na nahuli sa isang casino sa Clark, Pampanga.
Nagpasa-pasa ang nasabing singkwenta milyones na ‘gayla’ na ipinadaan ni Lam kay Wally Sombero, retiradong pulis, para ibigay sa dalawang Immigration Associate Commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles kapalit nang pagpapalaya sa mga ‘intsik’.
Di na maitanggi nila Argosino at Robles at sinabing ang P30 million sa ‘gayla’ ay napunta kay Vitalianio Aguirre na noon ay Justice Secretary. Samantala ang P2 million ay kinuha ni Sombero at ang P18 million ay binulsa na ng kanilang intelligence chief na si Charles Calima.
Ang tatlo ay nakakulong na, at di na natin nabalitaan kung saan napunta ang pera.
Sa pitak ko noong isang linggo ibinahagi ko na ang POGO ay gawa ng mga PUGA sa China, dahil bawal ang sugal sa kanilang bansa. At ngayong pinaghahanap na ang mga ito, kanya- kanya na sila ng diskarte dahil pahirapan na ang pagooperate nito sa atin, lalo pa’t bago na naman ang administrasyon.
Ito ang nagbunsod ng krimen, sa pagitan lang naman ng mga iligal na ‘intsik’ na mga ito.
Nilinaw naman agad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ang mga aktibidad ng nasabing mga indibidwal ay hindi sa anumang paraan nauugnay sa lehitimong mga POGO dito.
Sabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na ang mga operasyon ng POGO ay mahigpit na sinusubaybayan ng ahensya, at anumang gaming entity na mabibigo na makapasa sa proseso ng aplikasyon para sa isang offshore gaming license at makatugon sa mga kinakailangan sa dokumentaryo at pinansyal, bukod sa iba pa, ay hindi matatawag na Legal Offshore Gaming Operator o POGO.
Siguro, kailangang umikot na naman ang milyong-milyong ‘gayla’ para lahat ay lumigaya.