PBM, gagawing mega-leisure park – Mayor Honey

Advertisers
ANG Paraiso ng Batang Maynila (PBM) na may sukat na 2,047-square-meter ay gagawing mega-leisure park, bilang bahagi sa pagtugon na lumikha ng mas maraming open at green spaces na mae-enjoy ng publiko sa panahon ng pandemya.
Ito ang siyang pinahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna, matapos na pangunahan niya ang groundbreaking ng Phase 3 ng ginagawang pagbabago sa PBM sa harap ng Manila Zoo.
Ang alkalde ay sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo, city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris, city electrician Randy Sadac, parks and recreation bureau director Pio Morabe at mga barangay chairmen sa pangunguna ni Engr. Mark Delfin at Jaime Adriano.
Ang nasabing phase ay binubuo ng playground areas at jogging path pati na rin ng malaking basketball court na mayroong garden at gazebos.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Lacuna si Metro Manila Development Authority chairman Carlo Dimayuga III, na kung saan sinagot ng tanggapan nito ang gastusin sa redevelopment ng nasabing lugar at tiniyak naman ng alkalde na magiging sulit ang lahat ng ginastos dito.
Sinabi Andres na ang park ay magkakaroon ng 200- meter jogging path, 15 lamp posts, 28 bollards, ten benches, 67 spotlights at malawak na landscaping. Magkakaroon din ito ng fountain na paiilawan sa gabi at ito ay sa mismong harapan ng park
Bilang isang doktor, itinuturing ni Lacuna ang physical at mental health bilang priorities ng kanyang administrasyon kaya naman ang PBM ang siyang magsisilbing sentro ng komunidad sa isang mataong lugar tulad ng Leveriza kung saan ang mga residente ay malapit ng makakita ng maganda at nakaka-relax na park.
Magiging karagdagang atraksyon din ang bagong PBM sa newly-rehabilitated Manila Zoo na nakatakdang magbukas sa November 15.
Hinihikayat ni Lacuna ang mga residente na gamitin ang park kapag ito ay natapos na para sa kanilang paglalakad, exercise at bonding dahil ito ay open space at mababa ang tsansa na ma-infect ng COVID.
Nakiusap din si Lacuna sa mga residente na panatilihing malinis at ligtas sa anumang uri ng bandalismo ang park. (ANDI GARCIA)