Advertisers
NAIPONG galit ang nagtulak sa isang misis para silaban ng buhay ang kanyang mister sa kanilang bahay sa Barangay San Isidro, Sta. Rita, Pampanga, Linggo ng madaling araw.
Sa report, natutulog ang mister nang buhusan ng gasolina at sinindihan ng lighter ng kanyang misis na si Gisel Batas alyas Gigi, 24-anyos.
Ayon kay Gigi, nagdilim ang kanyang paningin kaya niya nagawa ang krimen, na bunga rin aniya ng matinding galit sa pambabae at pananakit ng mister na si Vidal Batas, 25.
Nais din aniyang turuan ng leksyon ang mister na lagi raw siyang minumura sa tuwing nakakainom.
Sabi ni Police Col. Jean Fajardo, Pampanga Provincial Police Office director, bago mangyari ang insidente nakipag-inuman pa ang mister kasama ng kanyang kabit.
Base sa salaysay ni Gigi, matagal at paulit-ulit na away mag-asawa ang dahilan ng insidente.
Samantala, hindi naman nasunog ang buong bahay ngunit nalapnos ang buong katawan ng mister na nagawa pang maisugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay kinalaunan.
Bagama’t pinagsisisihan ni Gigi ang ginawang krimen, sasampahan ito ng kasong parricide, ayon sa pulisya. (PTF team)