Advertisers
ARESTADO ng Cavite Police Provincial ang isang pulis na pumatay sa kaniyang misis na isa ring pulis sa isinagawang operasyon para sa mga Most Wanted sa lalawigan ng Cavite nitong Lunes, Hulyo 27.
Kinilala ang naarestong pulis na si Patrolman Ricky Rico, 27, nakatalaga sa Maritime Group, tubong Bukidnon, at residente ng Barangay Manggahan, Gen. Trias, Cavite.
Sa report, binaril ni Rico sa ulo ang kaniyang misis na si Staff Sergeant Analyn Cruto-Rico, 27, registered nurse, at nakatalaga sa Health Service 4A CALABARZON.
Naganap ang krimen matapos ang mainitang pagtatalo ng mag-asawa noong Hunyo 2019 sa kanilang bahay sa Stateland, Brgy. Mangahan.
Naaresto si Rico sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Parricide – CC No. TMCR- 418-20, no bail, sa Navotas Fish Port Complex 7:33 ng umaga ng Lunes, ng mga elemento ng PIU Cavite PPO at sa tulong ni Col. Ricardo E. Villanueva, hepe ng Regional Maritime Unit-NCR.
Kasabay nito, nahuli rin ang isa pang no. 2 most wanted person ng Cavite Police sa bisa din ng warrant of arrest na kinilalang si Reagan Santos, 40, mangingisda, ng Brgy. Aplaya Munti, Cavite City, na nahuli sa Brgy. San Pascual, Hagonoy, Bulacan, 6:30 ng umaga. Kasong Murder at Frustrated Murder ang kinakaharap nito. (Irine Gascon)