Advertisers
SA lahat na ahensya ng gobyerno na maituturing na walang papel na ginagampanan sa panahong ito ng pandaigdigang kagipitan bunsod ng COVID 19, ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI). Bukod tangi na yata ang naturang tanggapan na walang maipagmamalaking partsipasyon para maibsan ang paghihirap ng mga mamayan.
Napakabagal umaksyon, tamad, iresponsable at walang pakialam daw ang ilang mga pinuno at personnnel ng naturang kagawaran lalo na ang nakatalaga sa Regional Office ng naturang departamento na nakabase sa Lipa City ayon sa nagpadala sa atin ng mensahe.
Nakapanghihinayang naman ang ipinasusuweldo sa mga opisyales at empleyado ng DTI kung totoo ang nilalaman ng mensahe ng isa nating tagasubaybay.
Binigyang daan ng inyong lingkod sa pamamagitan ng pitak na ito ang kalatas ng isa sa ating masugid na tagasubaybay na nagpatago sa pangalang Angeline:
Dear SIKRETA, lahat na lamang po na ahensya ng ating gobyerno ay sama-samang kumikilos para pagaanin ang nararanasang paghihirap ng ating mga kababayan sanhi ng napakabigat na epekto ng nakamamatay na COVID 19.
Apektado ang ekonomiya ng bansa, maraming pribadong kompanya ang nagsitigil sa operasyon, kaya napakaraming nawalan ng trabaho. Ang epekto ay marami ngayong nagugutom. Sa hirap na dinaranas ay di na rin iilan ang nababalitang nagpapakamatay.
Ang presyo ng mga pangunahing bilihin, gamot at serbisyo ay walang tigil sa pagtaas pagkat ang ahensya ng ating pamahalaan na naturingang dapat na magpatupad ng batas at regulasyon ay di naman kumikilos, tamad ang mga pinuno at tauhan ng mga ito. Sayang po ang ipinasusweldo sa kanila.
Isa na pong maari nating gawing halimbawa ay ang tanggapan ng DTI na may tanggapan sa Lipa City. Wala na po tayong naririnig na magandang nagawa ng mga nakatalaga doong opisyales at tauhan.
Subukan na lamang po ninyong magreport tungkol sa pagmamalabis ng mga negosyante sa mga mall, palengke at mga botika sa buong lalawigan ng Batangas at sa alinmang lugar na nasasaklawan ng nasabing DTI office, nakatitiyak po na wala ang mga itong gagawing karampatang aksyon.
Ang presyo sa mga pamilihan tulad na lamang sa Julian Pastor Memorial Market sa Brgy. Cuta at Old Market (Luma) sa V. Luna Street, kapwa sa Batangas City, sa Lipa City, at Tanauan City at iba pang pampublikong palengke ay walang tigil sa pagtaas ang presyo ng bilihin.Magkakaiba ang presyo ng isda , gulay sa mga stalls at kung magkano ang maisip na halaga ng mga negosyante ay yaon ang nasusunod ,hindi kontrolado talaga ng DTI.
Ang presyo ng gamot sa mga botika ay napakataas at wala ring sinusunod na taripa, ang dahilan nga po nito ay ang kawalan ng opisyales at tauhan ng DTI na nagmamanman para naman magkaroon ng kahit konting pangingiming magtaas ng presyo ang mga maraming ganid na mamumuhunan.
Simula po nang magkaroon ng community quarantine ay lalong naging malaking problema kung paano mapipigilan ang walang inorasan na pagtataas ng presyo ng lahat na uri ng bilihin na dapat ay makonkontrol ng DTI kung ginagawa ng mga ito ang kanilang nakaatang na tungkulin.
Sana mapanuto na po ang mga opisyales at tauhan ng DTI Regional Office sa Lipa City, matuto na ang mga itong magsipagtrabaho.
Kung ayaw nyong magsipagtrabaho ay magsilayas na kayo sa inyong puwesto at makonsyensya, maraming mga walang trabaho na kwalipado namang magserbisyo sa DTI.
Dapat na malaman ng mga DTI officials at employees na ang sinusweldo nila ay kwartang nagbubuhat sa buwis ng mga mamamayan.
Para sa DTI, sa Brgy. Bolbok, Batangas City ay may botika, ang AENJELLLE of Mercy na sobrang taas ng presyo ng ibenebentang mga gamot, sana ay mapagtuunan ito ng pansin ninyong mga taga DTI.
Angeline of Brgy. Bolbok, Batangas City. Pls. don’t publish my number.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.