Advertisers
ANG ikalimang walk-in COVID-19 serology testing center ay pormal na binuksan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna kahapon sa Ospital ng Tondo (OsTon), Jose Abad Santos, Manila.
Ayon kay Moreno, ang naturang testing facility ay may kakayahang mag-accommodate ng may 100 katao kada araw.
Bukas din ito mula Lunes hanggang Biyernes, simula 6:00 ng umaga.
Sinabi ni Moreno na ang mga walk-in testing center sa lungsod ay bukas at libre, hindi lamang para sa mga Manilenyo, kundi para sa lahat ng mga mamamayan.
Layunin aniya nito na ipakita ang ‘inclusive approach’ na ginagamit ng lokal na pamahalaan para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
“It’s going to be given for free by our Manila City government. Naaawa naman ako sa tao. May mga gusto na pumasok sa trabaho, gagastos pa sila. Ang negosyante, lugi-lugi na rin. Gagastos pa sila for testing. That is why we’ve always wanted to offer this service,” anang alkalde.
“Kahit sino, pwede magpa-test dito. Kahit hindi taga-Maynila. (The COVID-19 pandemic) is a universal problem. We have to approach it inclusively. That is why this is open for all and for free,” aniya pa.
Kaugnay nito, ibinalita na rin naman ng alkalde na isa pang swab testing laboratory ang nakatakdang buksan ng Manila City government sa mga susunod na araw.
Sa sandali aniyang mailunsad ito, magkakaroon na ang lokal na pamahalaan ng kakayahan na makapagsagawa ng halos 1,000 swab tests kada araw.
“Palalakasin din namin ang capability ng local government sa pamamaraan ng ‘gold standard’ way of testing. We are about to finish an additional swab laboratory testing area with two machines given to us by DOH and DBM,” ayon sa alkalde. “Kapag natapos na namin itong laboratory, aabot kami ng isang libong swab tests kada araw, and it’s going to be offered for free.”
Nabatid na bukod sa limang walk-in serology testing centers, mayroon na ring dalawang drive-thru testing sites, isang swab testing laboratory at isang regular mobile serology testing ang lungsod. (Andi Garcia)