Advertisers
BIGO ang mga Filipino ng masungkit ni Totoy Kulambo ang panguluhan, sa kadahilanang ang mga sinabi niya’y pawang salitang walang laman na galing lamang sa bibig at hindi sa puso. Ngunit marami sa mga natangay nito sa salita ang ngayo’y talagang sising-sisi dahil nakita nila na talagang walang binatbat ito sa anumang aspeto ng pamamahala.
Hindi ito kinakitaan ng magandang halimbawa sa kanyang kilos, galaw at pananalita na kahit ang MTRCB’ hiyang-hiya dahil hindi nila ito masuweto lalo’t nakaharap ng kamera. Hindi nila mabigyan ng rate ang paglabas nito sa TV sapagkat hindi alam ang babanggitin nito at madalas “For Adults” ang namumutawi sa bibig nito.
Samantala, silipin natin ang maraming kabiguan ng mga Filipino sa pamahalaang ito ni Totoy Kulambo, unahin natin ang ilang kagawaran sa Ehekutibo:
Una, bigo ang mga Filipino partikular ang mga obrero sa pagkakatalaga sa kalihim ng Kagawaran ng Paggawa. Hindi ito kinakitaan ng anumang maka-obrerong mga kautusan o panuntunan sa mga paggawa. Maraming mga dayalogo at konsultasyon na ang naganap sa pagitan ng pamahalaan at mga pinuno ng samahan ng mga obrero upang konsultahin sa pagbalangkas ng mga panuntunang maka-obrero.
Napakagandang pakinggan o basahin. Subalit ang mga dayalogo na ito’y pakitang tao at papogi lang dahil ang kinakalabasan ng maraming desisyon ay kontra-obrero. Ang pagpabor sa mga mamumuhunan at crony ang madalas na kinalalabasan sa nilalabas na kautusan.
Tulad ng nangyari sa hindi pagpasa at veto sa ENDO at SOT, na siyang magtitiyak ng katatagan sa hanapbuhay ng mga obrero sa anumang industriya sa bansa.
Pangalawa, bigo ang mga Filipino sa pagtatalaga sa kalihim ng Kagawaran ng Katarungan. Marahil alam natin na ang unang kalihim ng kagawarang ito’y pinalitan dahil sa anomalya ng suhulan sa mga Tsekwang pumapasok sa bansa.
Subalit patuloy ang ganitong kalakaran hanggang umabot ang pandemya sa bansa. Walang ginawang hakbang ang kalihim upang pigilan ang pagpasok ng mga Tsekwa. Umabot pa hanggang Bureau of Corrections ang anomalya nang mapabalita na namatay ang ilang sikat na preso na tumestigo laban kay Sen. De Lima, subalit nakita ang mga ito sa loob ng NBI. Bakit naroon? Patatakasin ba o palalabasin bilang premyo sa pagtestigo.
Isa pang kabiguan nito nang hindi nito gawaran ng tamang hakbang ang mga lumabag sa BAHO Law at pinairal lang ang Compassion Law at Mañanita dahil ba kakampi. Habang mahihirap na nagpahayag ng kanilang saloobin hinggil sa ayudang may pilian at ang tindero ng prutas na naghahanapbuhay ay tinuluyan upang pairalin ang batas, tama po ba Sen. Koko at Gen. Rosas eh Sinas?
Pangatlo, bigo ang mga Filipino sa pagtatalaga sa kalihim ng Kagawaran ng Turismo. Katulad sa kalihim sa itaas, may naunang kalihim din ito na nasibak din dahil sa katiwalian na umaabot ng P60-M na hanggang ngayo’y hindi pa ibinabalik sa kaban ng bayan. Isang malaking katanungan ngayon nang pinagkalooban ng P14B pondo ang Kagawaran upang gamitin sa paghihikayat ng mga turistang dumayo sa bansa. Sa panahon ng pandemya, hay naku po?
Nangyari na ang gustong mangyari, nagdatingan ang mga turistang Tsekwa na kung saan-saan pasukan dumaan na dala ang mga balutan ng sakit na C-19 na nagpadami sa mga nakaratay na Filipino. Parang labis ang pondong ibinigay upang humikayat ng dayuhan na pumunta at silipin ang mga paraiso sa bansa. At nasaan na ang P14B, na kahit slogan wala, eh ano hayahay na lang.
Marami pa ang ganitong pangyayari o kalakaran sa hanay ng Ehekutibo na ating babalikan sa susunod, pero sa ngayon silipin muna natin ang lehislatura at ang hudikatura.
Unahin natin ang lehislatura. Bigo ang mga Filipino sa sangay na ito na siyang may tungkulin na gumawa ng batas at magpanula ng budget ng pamahalaan. Hindi lingid sa atin na nang pumasok ang pamahalaan ni Totoy Kulambo nariyan ang mayabang na ispiker ng mababang kapulungan.
Talaga namang brusko at siga ang dating, subalit nang makalaban nito si Inday Sapak, para itong nangupete at parang supot na bata na akala mo na inagawan ng kendi na walang magawa. Sa pag-alis nito, agad nagtulak ang mga asong bahag ang buntot na kung dumila’y parang mauubusan upang makuha ang liderato.
Siyempre, nauna ang mas magaling dumila na may paluhod-luhod habang sumusunod kay Totoy Kulambo at ka-basketball ni Bongoloid. Talagang bigo ang mga Filipino dito dahil mukhang ang batas lang sa budget at BAHO Law 1 at 2 ang naipasa ng Kongreso.
Nagdadaos din ito ng ilang mga imbestigasyon at pagdinig subalit lahat ito’y isang zarzuela at sa huli’y walang konklusyon. May isa sanang batas na suportado ng madla ang maipasa at ayun humarang pa, ang prangkisa ng ABS-CBN. Ang ganitong sistema’y walang ipinag-iba sa pinusuan ni Totoy Kulambo sa Senado, ayun iyon eh.
Sa hanay ng Hudikatura, bigo ang mga Filipino sa sangay ng pamahalaan nang sang-ayunan nito ang Quo Warranto petition na nagpaalis sa punong mahistrado na si MLS. Malinaw na sinunod ng nakararami dito ang kumpas ni Totoy Kulambo na paalisin ito dahil hindi ito sumasayaw sa kanyang gusto.
Sa pagkaalis, ayun pagkasunod-sunod na ang palitan upang pagbigyan ang pangarap ng lahat ng mga retiradong mahistrado na sumang-ayon sa ibig ni Totoy Kulambo na maging Chief Justice. Ito rin ang pinakarurok ng kanilang pagiging propesyon bilang abogado at may pabaon pa.
At sa huli, makalipas ang mahigit na apat taon, isang malaking kabiguan para sa mga Filipino ang pagkakaluklok sa pamahalaang ito. Bigo ang mga Filipino sa kawalan ng direksyon, pagkaubos ng mga salaping bayan, pandemya, paglobo ng pagkakautang, kawalan ng moralidad at higit sa lahat ang pagbenta ng bansa sa dayuhang Tsekwa. Bigo at hindi inaakala ng mga Filipino na ang naluklok nila’y isang bagong makapili.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com