Advertisers

Advertisers

Kung ikaw, gagawin mo kaya?

0 231

Advertisers

Matindi ang aking nabasa sa isang ekslusibong ulat ng Forbes magazine, na ang co-founder daw ng Duty Free Shoppers, ang pamilihan sa kada airport mong makikita, ay inubos lamang ang kanyang naipon o kinitang yaman sa charity o kawanggawa.

Philanthropist ang tawag sa mga ganitong klase ng karakter ng taong napakayaman. Sa edad na 89, sinabi ni Charles “Chuck” Feeney na napasa-kamay na niya ang kanyang pangarap na ibigay lahat ng kanyang kayamanan at mamuhay nang tila mahirap o walang-wala.

Pinamahala ni Feeney ang pamimigay ng kanyang yaman sa itinayo niyang foundation, ang Atlantic Philanthropies. Sabi sa ulat, sa loob daw ng apat na dekada ng kanyang pagkamayaman 3.7 bilyong dolyares na ang naibigay ni Feeney sa sektor ng edukasyon sa buong mundo. Bukod dito 870 milyong dolyares naman ang kanyang binigay sa pang-karapatang pang-tao at pang-lipunang pagbabago..



Nakapagbigay din daw si Feeney ng 62 milyong dolyares bilang gawad sa pag-aalis ng hatol na kamatayan o “death penalty” sa kanyang bansang Amerika at 76 milyong dolyares pa, para sa mga mahihirap at suporta sa kampanya para maipasa ang Affordable Care Act o Obamacare na programa ni US President Barrack Obama. Mahigit 700 milyong dolyares naman ang napunta sa mga gamot at pagtuligsa o research gaya ng Global Brain Health Institute sa San Francisco, California at sa pampublikong health care ng Vietnam.

Nagbigay din siya sa kanyang pinagtapusang unibersidad o alma mater, ang Cornell University, upang makagawa ito ng isang “technology campus” sa Roosevelt Island sa New York City. At pagkatapos nga ng apat na dekadang pagbabahagi ng kanyang yaman ay isinara na ni Feeney ang kanyang foundation. Nag-iwan lamang siya ng dalawang milyong dolyares bilang retirement money ng kanyang asawang si Helga.

Mayroong mahigit 300 empleyado ang kanyang foundation na nakakalat sa sampung sangay ng opisina nito sa buong mundo, ang dagdag pa sa ulat.

Nais daw ni Feeney na maiba sa mga gawa ng iba pang mga pilantropo at magaya rin ang kanyang ginawa kaya isinulong din niya ang ideyang “Giving While Living” o ang pamimigay habang buhay pa. Mas mainam daw ito kaysa sa pamimigay kung ikaw ay namatay na.

Noon ngang 2010, ang sabi sa ulat, naimpluwensiyahan ni Feeney sina Bill Gates at Warren Buffet, dalawa pang tao sa buong mundo na pinakamayayaman, sa kampanyang “Giving Pledge” na panawagan sa lahat ng pinaka-mayaman sa daigdig na magbigay ng kalahati ng kanilang yaman bago pa sila pumanaw.



Kakaiba ang pananaw sa buhay ni Feeney, kaya naitanong ko sa aking sarili, kung ako ang palarin na magkaroon din ng sangkaterbang yaman, magawa ko kaya ang kanyang ginawa?

Kung ikaw kaya ang aking tatanungin? Gagawin mo rin kaya?