Advertisers
MALAKING isyu ngayon ang biniling laptops ng Department of Education (DepEd) para sa mga guro na sinasabing “pricey and outdated”.
Ito’y matapos makita ng Commission on Audit (COA) na umaabot sa P58,300 bawat isa ang laptop na presyong hi-end gayong ang laman nito ay low-end processor lamang.
Ang unang plano ng DepEd ay bumili lamang ng laptop na halagang P35,046.50 para sa 68,500 public school teachers na mabibigyan. Pero dahil nga umabot sa mahigit P58K bawat isang laptop ay 39,583 guro lamang ang nabigyan.
P2.4 bilyon ang isinuka ng gobyerno sa pagbili ng mga laptop na ito.
Bukod sa mga opisyal na nagkaroon ng papel sa pag-apruba at pagbili ng naturang mga laptop, natural na nalagay din sa malaking kuwestyon ang kredibilidad ng kumpanyang nag-supply ng laptops – ang LDLA Marketing and Trading Inc.
Nagiging isyu rin ngayon kung pinaboran ba ng PS-DBM ang LDLA para sa laptop contract na ito?
Pumalag ang LDLA sa akusasyong ito.
Anila, ang LDLA at ang kanilang partners sa kontratang ito na Sunwest Construction and Development Corp., at VSTECS Philippines Inc. ay hindi “pinaboran” kundi sila ang talagang nanalo sa bidding ng kontrata “fair and square.”
Bagama’t hindi pa lubusang maituturing na “big-time player” sa information and communication technology (ICT) industry, ang LDLA umano ay gumagawa na ng pangalan sa industriya at nakikilala na bilang isang reliable and trustworthy provider ng state-of-the art digital solutions sa public at private sectors.
Sa pagsasabing overpriced ang presyo ng laptop, hindi umano binigyang halaga ng COA ang iba pang factors na nakaapekto para sa final price sa bawat laptop.
Ayon pa sa LDLA, ang kanilang kumpanya ay nag-o-offer ng software business solutions para alalayan ang management system ng isang eskuwelahan, mula sa financial accounting at human resource management hanggang sa admissions, enrollment, academic, laboratory, library, security at iba pang campus requirements.
Kabilang sa mga naging brand partners ng LDLA ang Globe, PLDT, Microsoft, Dell, Epson, Samsung, Huawei, Fujitsu and Canon. Sila rin umano ang preferred partner ng Dell Computers habang kabilang sa kanilang naging kliyente ang Mindanao State University (MSU), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Insurance Commission, PAGCOR, Philippine Coast Guard and the National Telecommunications Commission (NTC).
Kasama rin sa ongoing projects ng LDLA ang Smart Campus ng Marikina Polytechnic College at Romblon State University, gayundin ang digitalization ng Central Bicol State University for Agriculture at MSU sa Marawi City.
Kung pagbabasehan ang mga karanasang ito ng LDLA, masasabing hindi sila isang kumpanya na parang kabute na sumulpot sa bidding. Pero ang katanungan: Ganon ba talaga kamahal ang kanilang laptop o sadyang marami lamang naki-markup pa along the way kaya umabot ito sa ganung halaga?
Maaring lehitimo ang supplier ng kontratang ito na pinasok ng DepEd pero hindi puwedeng balewalain at hindi maikakaila na may malalim na istorya kung bakit umabot ang presyo ng ganitong klase ng laptop sa napakataas na halaga. Mahaba-habang usapan ito na nangangailangan ng matinding balitaktakan at paliwanagan. Mismo!