Advertisers
NAGPATUPAD kamakailan ng malawakang balasahan ng pwesto hangggang sa senior official level ang kauupong PNP Director General Camilo Pancratius Cascolan.
Kabilang sa mga senior officer na nabigyan ng bagong posisyon ay sina P/BG Pascual G. Muñoz Jr., na nalipat mula director ng PNP Logistic Support Service bilang PNP Regional director ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan ) at ang pinalitan nitong si P/BG Necerio Obaob na naitalaga naman sa Office of the Chief PNP (OCPNP).
Maganda ang naging kapalaran ng multi-awarded General Muñoz na pamunuan ang mga pulo na sakop ng MIMAROPA, bukod sa maunlad at mapayapa kaysa ibang rehiyon sa bansa ay marami ring galanteng negosyante at pulitiko doon.
At higit sa lahat balitang-balita pa ang malaking biyayang nakatakdang dumating kay General, ito ay ang tinatawag ng mga pulis sa MIMAROPA Provincial Police Office na “pasalubong.”
Kung may napapaulat noon pa man na may nakalaang “pabaon” sa mga magreretirong heneral ay mayroon din naman para sa mga bago pa lamang kauupo, at ito nga ay ang tinatawag na “pasalubong”.
Dapat na pag-ingatan ng may kabataan pa ding heneral, ang mapang-anyayang kaway ng pasulubong na umaabot sa milyong piso ang halaga.
Ayon sa ating police insider, kung may maglalakas ng loob sa MIMAROPA Regional Office na mag-usisa hinggil sa “pasalubong” malamang ay magsasayang lamang ng panahon pagkat wala namang aamin sa nagaganap na kalakaran doon.
Ngunit ito daw ay naging bahagi na ng di nasusulat na tradisyon ng kapulisan sa nasabing kampo, ayon pa sa ating source.
Ayon pa sa ating police insider umiikot na ang mga galante ngunit tiwaling pulitiko at ang katuktukan ng mga itong ilan ding scalawag police officials sa MIMAROPA para mabigyan ng malaking ” pasalubong ” si General Muñoz.
Kaya nagsimula na namang magpasugal ng 1-40 numbered game ang mga naturang iligalista sa siyudad ng Calapan.
Pumalo na kaagad sa mahigit na Php 1.5 milyon ang kubransa sa unang bola pala lamang ng jueteng noong September 21, 2020 ng gabi sa buong Oriental Mindoro na kinabibilangan din ng mga bayan ng Puerto Galera, Baco, San Teodoro, Naujan, Victoria, Socorro Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabon, Mansalay, Gloria, Roxas at Bulalacao.
Ibig sabihin ay tumataginting na Php 4.5 milyon ang kabuuang makakale ng mga nasabing ilegalista sa looban ng tatlong bola kada araw?
“Dry run pa lamang po ang “putok” na kumbinasyong 1-2 noong September 21, 2020 ng gabi na kunyari ay binobola gamit na front ang PnB na Global Tech na nakabase sa Calapan City at bayan ng Pinamalayan sa Oriental Mindoro,” anang ating source.
Pinalilitaw ng Global Tech na kunyari din ay lihetimong operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sponsored – Perya ng Bayan (PnB) ang kanilang pa-jueteng sa naturang lalawigan at may permit ni PCSO General Manager Royina Garma ang kanilang pasugal.
Mahigpit naman ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang lahat ng operasyon ng sugal sa buong bansa kasabay ng pamimiyapis ng COVID 19 virus ngunit tandisang nilalabag naman ito ng Global Tech, ang kumpirmasyon pa ng ating source.
Kalahati naman ng kabuuang kubransa sa jueteng ay naibubulsa ng mga jueteng protektor sa tanggapan ng MIMAROPA Regional Police Office, Oriental Mindoro PNP Provincial Police Headquarter, local police office, provincial at local government officials at maging barangay chairman.
“Nakalaan po bilang “pasalubong” kay General Muñoz ang malaking percentage na kikitain mula sa kubransa ng jueteng con PnB sa looban ng unang isang linggong operasyon ng nasabing iligal na “pasugal”, pagsisiwalat pa ng ating source.
Ilang milyon din kaya ang maiipon sa looban ng isang linggo bilang pasalubong sa bagong kauupong heneral sa looban ng tatlong bola ng jueteng kada araw?
Alam ng mga taga-Oriental Mindoro na labag sa batas ang jueteng, ngunit di natin matiyak kung batid din ni Oriental Mindoro PNP Provincial Director, P/Col. Chistopher Dela Cruz ang pangingilak ng pondo ng ilan nitong mga pulis, local at provincial officials para “pasalubungan” si General.
Bago napalitan si dating MIMAROPA PNP Regional Director PBG Necerio Obaob ay ipinatigil na nito ang kunyari ay PnB draw ng Global Tech na inumpisahan noong June 1, 2020.
Hindi pa nga sana matitigil ang pa-jueteng ng naturang kompanya kundi nanawagan kay Senador Bong Go ang mga Mindoreño para sugpuin na ang perwisyong operasyon ng bawal na pasugal.
Kampante marahil si General Muñoz sa kanyang tanggapan sa Camp Efigenio C. Navarro, ngunit di nito alintana ang katusuhan ng ilang enterprising police officials, LGU’s at PGU’s sa Oriental Mindoro na kumakana ng pagkaka-kwartahan sa gitna ng COVID 19 pandemic gamit ang “pasalubong” scheme.
Mukhang nagagamit yata sa kawalanghiyaan ang pangalan ni General Muñoz, ngunit tiwala naman tayong hindi tatangapin ni General ang mapanuksong “pasalubong”.
Kaya di rin dapat pahihintulutan ni Heneral na makapag-operate na naman ang perwisyong pasugal ng Global Tech sa Oriental Mindoro at iba pang lalawigan sa MIMAROPA.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.