Advertisers
Binanggit ang mga aral mula sa pandemya ng COVID-19, inihain ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ng panukalang batas na naglalayong bumuo ng isang grupo ng medical and health-related professionals na tutulong sa gobyerno sa pagtugon sa pangangalaga sa kalusugan ng publiko sa panahon ng emergency.
Ang Senate Bill No. 1180, kilala rin bilang “Medical Reserve Corps (MRC) Act of 2022,” ay naglalayong magtatag ng isang Medical Reserve Corps na binubuo ng mga lisensyadong manggagamot, nars, medical technologist, mga taong may degree sa medisina, nursing , teknolohiyang medikal at iba pang larangang may kaugnayan sa kalusugan, mga miyembro ng Reserve Force of the Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Serbisyong Medikal, at mga tauhan ng administratibo at teknikal.
Sinabi ni Go na sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, napupuno ang mga pribado at pampublikong ospital sa bansa at ang kanilang medical personnel ay nahihirapan sa bilang ng mga pasyente ng COVID-19.
Idinagdag niya na ang kakulangan ng medical personnels sa gitna ng pandemya ay humahadlang sa kakayahan ng Estado na epektibong labanan ang sakit.
Kinikilala ang kabayanihan ng Filipino healthcare workers, umaasa ang senador na sa panukalang batas ay maitataguyod ang papel ng mga medical at health-related personnel sa pagbuo ng bansa.
Mapoprotektahan din nito ang kanilang pisikal, moral, espirituwal, intelektwal, panlipunang kagalingan; at lalong maghihikayat sa kanila na makilahok sa mga gawaing pampubliko at sibiko.
Kung maisasabatas, ang Department of Health ay maglalabas ng mga alituntunin sa recruitment, pagpili at haba ng serbisyo ng mga miyembro ng MRC.
Ang DOH, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management ay magbibigay ng angkop na kompensasyon at insentibo sa mga miyembro ng MRC.
Sa panahon ng mga pambansang emerhensiya at iba pang contingencies, maaaring pakilusin ang mga miyembro ng MRC upang tulungan ang pamahalaan, mga ahensya at instrumental nito, maging ang local government units sa pagtugon sa mga medikal na pangangailangan ng publiko.
Sa loob ng 24 na oras mula sa pagtanggap ng kahilingan para sa deployment, susuriin ng DOH ang kahilingan at maglalabas ng Order of Deployment.
Magkakaroon ang mga miyembro ng Corps ng regular na sahod o suweldo sa panahon ng kanilang deployment at kung sila ay nagtatrabaho sa oras ng deployment.
Ang pagtatatag ng Medical Reserve Corps ay isa sa mga priority measure na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address noong Hulyo.