Advertisers
Ang ekonomiya ng mundo ay umiikot din sa pautang. Walang ni isang matatag na gobyerno o pribadong kumpanya saan mang panig ng mundo ang nakapagpalago ng kanilang ekonomiya o negosyo ng hindi dumadaan sa proseso ng panghihiram ng tulong puhuhan.
Mismong ang mga pondong ginamit sa mga imprastraktura sa ating bansa tulad ng sa transportasyon ay karamihang may pondong pautang ng mga malalaking financial institutions, pondong ipinagkatiwala sa atin ng mga institusyon na ito na ating babayaran sa paraang napagkasunduan o pagkakasunduan. Samakatuwid, hindi “big deal” ang may utang. Halos lahat ng mga kumpanya ay may utang. Bahagi ito ng pagnenegosyo, ika nga.
Kaya naman nakapagtataka itong kilalang pribadong banko sa bansa na ginawang “big deal” na isyu ang utang ng isang kliyente nito. Sa halip na pangatawanan ang slogan nito na kung isasalin sa wikang Pinoy ay ang ibig ipahiwatig ay lahat ng bagay ay magagawan ng paraan, tila nakalimutan na ito ng naturang bangko nang ipangalandakan nito na hindi na makabayad sa kanila itong natatatanging kumpanya.
Aba, teka lang. Hindi ba’t may mga nararapat na etika at tamang proseso upang ang kalagayan ng utang ay mapag-usapan? Ganito na ba ang kalakaran sa banking industry ngayon sa Pilipinas? Pag hindi ka makabayad sa utang mo, ipapahiya ka sa publiko at ichi-tsismis ka sa social media?
Baka naman kasi ayon sa sikat na slogan ng bankong ito, kasama sa mga pamamaraan ay ipamalita ang kalagayan ng transakyon at mailagay sa kahihiyan ang kanilang kliyente.
Kahit sa global financial community, sa totoo lang, may mga pagkakataong nahihirapan ang isang bansa na makabayad lalo pa nga halimbawa ay dumanas ito ng matinding dagok sa ekonomiya bunga ng digmaan, pandemya at iba pang problema. Sa totoo lang, sa nakaraang mga taon, karamihan sa mga kumpanya, maging ang bansa natin, ay dumaranas ng matinding mga pagsubok pinansyal. Halos lahat ay nasa krisis. Halos lahat ay nakararanas ng iba’t-ibang bigat sa pagbabayad ng utang.
Magka-ganon pa man, ang mga nagpa-utang na institusyon ay hindi basta-basta na lamang ipamamalita sa publiko ang kalagayan ng utang at mga katransaksyon nila tungkol dito. Wala tayong nabalitaang pagpapahayag sa publiko gamit ang media na nagsasabing tayo ay gipit na o hirap magbayad.
Katunayang ang mga nagpautang sa atin ay idinaan sa mga tamang proseso ang pagtalakay at pagsasa-ayos ng mga dati pa nating mga utang. Hindi ba’t muli pa tayong nakahiram ng dagdag tulong pinansyal pantugon sa mga biglaang gastusin natin upang harapin ang COVID 19 pandemic?
Samakatuwid, kung pagbabatayan ang mga patakarang etikal na sinusunod ng lahat ng financial institution sa buong mundo, maging sa ating bansa, bukod tanging itong isang bangkong naturingang maparaan ang tila hindi sumunod dito.
Klarong-klaro. Nilabag ng bangkong ito ang patakarang nagbibigay proteksyon sa confidentiality ng pribadong transaksyon at inilagay nito sa alanganin ang pagkakakilanlan sa sarili nitong kliyente. Kung ikaw ay depositor sa bangkong ito, hindi ba nakakatakot nang magtiwala dito lalo pa nga’t may tendensiya itong sirain ang pangalan ng kliyenteng dumaranas ng financial difficulties?
Tamang transaksyon. Maayos na usapan at negosasyon. Etikal na proseso. Nasaan na ang mga ito?