Advertisers

Advertisers

Bong Go: Paigtingin ang bakuna, iwasan pag-aaksaya

0 274

Advertisers

Hinimok ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor at iba pang stakeholder upang matiyak na ang mga bakuna at booster shot laban sa COVID-19 ay makararating sa mga taong kailangan nito at maiwasan ang pagkasayang o pag-aaksaya.

“Hinihikayat ko po ang pambansang pamahalaan, kasama ang mga LGU, pinuno ng komunidad at pribadong sektor na paigtingin ang ating pagtutulungang mahimok ang lahat na magpabakuna ng booster upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” ani Go.

Hiniling din niya sa publiko na huwag maging kampante sa kabila ng pagpapabuti ng sitwasyon ng pandemya sa pagsasabing ang COVID-19 ay nasa paligid pa rin.



“Hanggang nandiyan pa ang COVID-19, huwag tayong magkumpiyansa dahil delikado pa. Ang bakuna ang susi para makabalik tayo sa normal na pamumuhay,” paalala ni Go.

Samantala, sinabi ni Go na nakahanda ang committee on health na magsagawa ng pagdinig kapag ang Senate Resolution No. 92 na inihain ni Senator Risa Hontiveros ay nai-refer na sa komite. Ang nasabing resolusyon ay naglalayong silipin ang mga ulat na umano’y pag-aaksaya ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga bakuna laban sa COVID-19.

“Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, kapag nai-refer na sa amin ang resolusyon, agad kaming magsasagawa ng pagdinig sa status ng aming pagtugon sa COVID-19 kasama na ang mga naiulat na expired na bakuna,” ani Go.

“Tulad ng sabi ko noon, pinaghirapan po natin na bilhin ang mga bakuna laban sa COVID-19. Kaya pagtulungan dapat nating lahat na walang masasayang, at makararating ang mga ito sa mga kuwalipikadong mga kababayan natin na hindi pa bakunado kahit saanmang sulok ng Pilipinas,” dagdag ng senador.

Samantala, alinsunod sa kanyang inihaing resolusyon para tingnan ang kahandaan ng bansa laban sa monkeypox, sinabi ni Go na itatanong din niya sa Department of Health ang mga hakbang na ginagawa nito at ipaalam sa publiko ang mga kinakailangang health protocols lalo’t may naitala nang kaso nito sa bansa.



“Ang lahat ng mga isyung ito ay tatalakayin at dapat sagutin ng ating mga awtoridad sa kalusugan at mga eksperto sa panahon ng mga pagdinig ng committee on health,” pagtatapos ni Go.

Noong Agosto 1, si Go, kasama si Senator Robin Padilla, ay naghain ng Senate Resolution No. 84 na nag-uutos sa Health and Demography Committee na magsagawa ng pagtatanong sa kahandaan ng bansa na pigilin at sugpuin ang monkeypox na idineklara ng ang World Health Organization bilang isang public health emergency of international concern.