Advertisers
Kaya ba ng Lakers na mag-all the way para sa korona ng NBA? 2-0 na sila ngayon sa Western Finals matapos maungusan ang Denver kahapon, 105-103.
Ibang level na sila maglaro ngayong play-offs. Malupit sa depensa, matindi sa opensa
Sa pangunguna nina LeBron James at Anthony Davis ay grabe na game nila. Pero hindi lang si King James at AD umangat kundi pati mga role player nila gaya nina Alex Caruso at Dwight Howard. Ang taas ng intensity ng mga bata ni Coach Frank Vogel. Hilong-talilong ang kanilang mga kalaban. Hindi na mabatid kung dodouble kina Bron at Brow dahil maoopen mga shooter.
Tila nasa 4th gear na ang LAL. Kung walang major injury ay sila na nga. Ngayong pang bakasyon na mga inaasahang pipigil sa kanilang Clippers at Bucks. Hayan, pati oddsmakers sa Las Vegas sigurado sa kanila ang taya.
Pero eka ni Mang Tomas teka raw muna at huwag agad magbunyi ang mga tagahanga ng Los Angeles. Kilala ang Nuggets na comeback kids. Muntik na nga naman nila madisgrasya sa Game 2 ang koponan ni LBJ kundi sa last second shot ni Davis.
Sa 1st at 2nd round ay nakabalik pa sila sa 1-3 na disadvantage. Hanggang hindi pa sila madaig ng dalawang ulit pa ng Lakers ay hindi pa tapos ang serye. Abangan!
***
Wala pang pormal na sagot ang IATF sa kahilingan ng PBA na mag-Clark bubble na may budget na P65M sa Oktubre. Maingat na ang gov’t agency matapos ang kontrobersyal na Sorsogon misadventure ng UST Growling Tigers. Yung physical distance ay ibinalik pa nga sa isang metrong layo sa halip na paliitan unti-inti ngayong Setyembre.
Kung payagan kasi ay dapat aprubahan na rin nila mga kaparehong mga request mula sa ibang pang sports at grupo. Nguni’t kung ma-delay ang desisyon ay aabot na sa Pasko ang season ng propesyunal na liga.
Malalaan natin ang update sa Lunes mula kay Commissioner Willie Marcial na ating panauhin sa ika-28 ng buwang kasalukuyan sa OKS sa DWBL 1242 khz. Matutunghayan din sa Facebook Live at You Tube.
Kasabay niya sa ating pitong taon na programa si UAAP Executive Director Rebo Saguisag na magbabalita naman sa atin ng latest mula sa pinakasikat ng collegiate league. Ika-4 hanggang ika-5 ng hapon po yan.
***
May pahayag ang ilan dating mga cager ng USTe na maayos daw treatment sa kanila sa hometown ni Coach Aldin Ayo. Ito naman ay kinainis ni CJ Cansino kasi lalabas na sinungaling siya. Sabi ni Pepeng Kirat ay damage control ito ng kampo ni Ayo na huli na. Bukod kasi sa UAAP ban ay may gentlemen’s agreement pa mga namamahala sa NCAA na walang kukuha sa Bicolanong mentor. Malamang pahinga muna siya ng isang taon at baka sakali sa PBA pa may magpapirma sa kanya ng kontrata.