Advertisers
Sa pagsalang sa Kongreso ng nagdaang mga linggo ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy, imbes pagtuunan ang budget para sa nasabing opisina sa ilalim ng Office of the President, naging tampulan ng mga mambabatas ang mga inihayag ni Usec. Badoy sa kanyang social media platform.
Sa pangunguna ng mga Partylist na nananampalataya kay Jose Maria Sison at mga lumang kaisipang maka-komunistang Tsina at Ruso, isa-isa ang mga mambabatas nito sa paglait kay Badoy na pinikon daw sila sa kanyang mga post sa social media na sila raw ay mga kongresistang nabibilang sa teroristang komunista na nanggugulo sa bansa.
“Red-tagged” ang salitang ginagamit sa isyung ito, kung saan pinapangalanan mo ang mga taong sangkot, may kinalaman, o miyembro mismo ng teroristang komunistang grupo gaya ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA).
Ang problema: si Joma Sison mismo
ang matagal nang nagpangalan sa mga grupong nagsusulong ng kaniyang “rebolusyon.” Tama po ba, Amb. Bobi Tiglao na aking boss at idolo sa pagsusulat.
Ikinagalit ng mga mambubutas ay mga diputado pala, ang gawing iyon ni Usec. Badoy, at ang naging resulta ng pagdinig sa budget sana ng PCOO ay nauwi sa tila pangho-hostage ng budget ng nasabing opisina. Nauwi rin sa wala ika nga ang talakayan ng PCOO budget at napunta sa patutsadahan ng mga diputado laban kay Badoy.
Humirit pa ang mga ito na dapat ay mag-resign na lang si Usec. Badoy bago nila pakawalan ang budget ng PCOO. Makalipas ang ilang araw na ikinatahimik lamang ni Badoy, bumuwelta ito sa mga mambabatas na susundin niya ang kahilingan ng mga ito na siya ay magbibitiw, ngunit sa isang kundisyon.
Hinamon niya ang mga ito (Representatives France Castro, Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, Arlene Brosas, Sarah Elago at Eufemia Cullamat) na itatwa at kondenahin ang CPP-NPA at National Democratic Front (NDF) kung talagang di sila kabilang rito, at pasukuin ang kanilang pinunong si Jose Maria Sison maging ang mga miyembro ng kanilang armadong grupong NPA na marami nang pinaslang na sundalo at opisyal maging mga sibilyan.
Sa puntong ito, sumabay na sa hamon ni Usec. Badoy, si Lt. General Antonio Parlade ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF ELCAC) na nais din makipag-debate sa Makabayan Bloc Representative.
Para sa heneral di naman napakahirap kung aminin ng mga kongresista na sila ay komunista at maaari itong sabayan ng “lie detector test” upang patunayan na totoo ang kanilang pag-amin o hindi. Para kay General Parlade, mismong si Joma Sison ang nag-red-tagged sa mga mambabatas.
Si Rep. Castro nga raw ay nared-tagged bilang miyembro ng National Teachers Bureau sa ilalim ng National United Front Commission ng CPP (NUFC-CPP); samantalang si Rep. Zarate naman ay nared-tagged bilang miyembro rin ng NUFC kaya nakakaharap nito ang matataas na opisyal ng CPP-NPA sa Mindanao at saan mang lugar para magbigay ng mga direktiba.
Si Rep. Gaite naman daw ay itinuro rin ng kanyang mga kasamahan bilang kasapi ng National Government Employees Bureau sa ilalim din ng CPP; si Rep. Elago ay nginuso naman din ng kanyang mga comrade ay pinangungunahan ang Kabataang Makabayan, ang underground na samahan ng mga nakababatang komunista.
Samantalang si Rep. Cullamat ay kailangan din magsalita ukol naman sa budget ng NTF ELCAC upang matapos na ang gusot sa Agusan at Surigao kung saan siya at kanyang mga kapatid ang mga namumuno sa NPA. Ang kanyang kapatid na si Bae Gloria Campos Tumalon ay nahuli noong March 19, 2020 sa Diatagon, Surigao del Sur. Ang iba pa niyang kapatid na sina Pablito Sinzo Campos, leader ng NPA ay naaresto na noong 2018 sa Sibagat, Agusan del Sur kasama si Emelda Campos Belandres na wanted ding miyembro ng NPA.
Sa kanyang hamon naman sa pagdedebate, sabi ni Parlade maidedepensa ng mga diputado ng Makabayan Bloc ang kani-kanilang sarili at maari pa ngang ituro ng mga ito na ang militar ang lahat nang may gawa ng karahasang nangyayari sa mga kanayunan at hindi ang mga komunistang gaya nila.
Tanggapin naman kaya nila ang mga hamon? Abangan!