Advertisers
SINIBAK sa puwesto ang hepe ng Manila Police District-Station 5 sa umano’y hindi pagkontrol sa mga taong dumagsa sa Manila Bay nitong Linggo ng umaga, Setyembre 20.
Ayon sa ulat, mismong si PNP Chief Camilo Pancratius Cascolan ang nagsibak kay Lt. Col. Ariel Caramoan.
Papapalitan naman si Caramoan ni MPD-DCD officer in charge Lt. Col. Alex Daniel.
Una na rin sinabi ni Lt.Gen. Guillermo Eleazar, JTF Covid Shield Commander, na kitang-kita aniya sa mga larawan na napo-post sa social media na may pagkukulang ang station commander.
Ayon pa kay Eleazar, napansin na ito nitong Sabado nang pansamantala itong buksan sa publiko at nito ngang Linggo lalo pang dumagsa ang mga tao kaya naman sa susunod na bubuksan sa publiko ang Manila Bay, dapat na magpatupad ng mas maayos na security meaures ang awtoridad upang sa gayun sumunod ang mga bumibisita sa protocol.
Dalawang araw binuksan ang Manila Bay sa publiko kasabay ng International Coastal Clean Up day nitong Sabado hanggang nitong Linggo 6:00 ng hapon.
Bagama’t may mga sinages at mga pulis na nagpapatupad ng health protocols, hindi pa rin naiwasan na magkumpol ang mga tao dahil na rin sa kasabikan na masilayan ang ganda ng makabagong Manila Bay dahil sa dolomite white sand. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)