Advertisers

Advertisers

Ngayon na ang panahong tindigan ang ating karapatan sa West Philippine Sea!

0 657

Advertisers

NAGBABAIT-BAITAN lang si Chinese President Xi JinPing; nilalansi lang niya si Presidente Rodrigo Roa Duterte, at ito rin ang ginawa ni Xi kay US President Barack Obama noong 2016 – na nangako na hindi magtatayo ng naval and military bases sa South China Sea, na ang tawag ngayon ay West Philippine Sea (WPS).

Hunyo 2018, sa kabila ng mahigpit na pagkakamay nina Xi at Duterte bilang magkaibigang lider, at pagselyo ng Philippine-China Friendship, nagtayo ang China ng mga base-militar sa lugar sa mga isla ng Spratley at bahura na sakop ng ating teritoryo sa WPS.

Kung di ito panlalansi, ano ito, Presidential Spokesman Secretary Harry Roque?



Natatandaan ko ang sinabi ni Xi kay Obama noon na ang South China Sea ay teritoryo ng China simula pa sinaunang panahon.

Pamana raw ito ng kanilang ninuno at hindi siya papayag na sinuman ay makialam sa soberanya, sa karapatan at interes ng mga Chino sa South China Sea – at ito ay lantarang ginagawa ni Xi, at ano ang ginagawa natin?

Nanonood lang tayo, naghihimutok, nagtatagis ang mga bagang natin, nagpo-protesta tayo, nagsusunog ng Chinese flag at mga diplomatic protest na ibinabasura lamang ng China.

***

Tuta raw ng China si Duterte, kantiyaw ng mga kritiko niya na mas pinili muna ang pananahimik kaysa maglunsad ng armadong paggiit sa karapatan natin sa mga isla sa WPS.



Aminin natin, may katotohanan ang pahayag ng Pangulo, sa ngayon, “inutil” tayo kung lakas sa digmaan ang magiging solusyon kung aangkinin natin ang WPS.

Pero hanggang kailan natin paninindigan ang independent foreign policy natin sa harap ng tuloy-tuloy, lantarang “pananakop” ng China sa ating bansa.

Kasi itong mga kritiko ni Tatay Digong, sa kakulangan ng matinong argumento upang paudyukan ang Pangulo na ipaglaban ang panalo sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands, nagpakalat pa ng mga karatula noon, tarps na ang nakasulat ay nang-aasar na salitang PH, Province of China.

Hayan, isang negosyanteng Chino ang nagmarka sa kanyang produkto na gawa iyon sa Philippies, Province of China – na sa galit ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ipinasara ang tindahan at pinakasuhan at hiniling sa Immigration na ipatapon sa China ang mokong na iyon.

***

Target ng China ang maraming yamang langis at iba pang mineral sa WPS at yan ang dahilan ng panlalansi na “kaibigan” tayo at pagsasamantala sa ating kahinaan at “kainutilan” ng ating gobyerno.

Mayroong 190 trilyong talampakang bukal ng natural gas, bukod ang mina ng langis at sandamakmak na trilyon-trilyong dami ng mga isda at yamang-dagat sa ating teritoryo.

Sinasakop ng China ang WPS upang siya ang maghari sa international waters sa Southeast Asia kasi mahalagang ruta ito ng negosyo at transportasyon.

Sa tantiya ng mga expert, nasa US $5 trilyon ang kalakalang dumadaan sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Kung masosolo ng China ang rutang ito, maipakikita niya sa mundo, lalo sa US na mas malakas siya, at ang epekto nito, hihina ang presensiya ng US sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Hindi naman pumapayag si US Presient Donald Trump kaya panay ngayon ang pagpapapogi niya kay Digong sa pamamagitan ng pagpapakita na handa ang US na “makialam” kung kailangan at may sumiklab na digmaan sa agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea – na inaangkin din ng Vietnam, Indonesia, Brunei, Taiwan at Indonesia.

***

Tulad ng ibang bansa, nakalubog tayo sa utang sa China sa panahon pa ni Cory Aquino, patuloy hanggang kay Noynoy at ngayon kay Duterte, noong 2016, umabot sa US$24-B ang inutang ng Pilipinas para tustusan ang “Build-Build-Build” project niya.

Perang China rin ang ipopondo sa Chico River Pup Irrigation Project (US $60-M), New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project at sa North-South Railway Proejct-South Line.

Ang kapalit nito: POGO, at balita, ang Dito Telecommunications Corp na ilalaban sa Smart at Globe.

***

Naglalaro ba ang gobyernong Duterte sa “apoy” sa isyu ng WPS?

Habang nagpapakita ito ng mabuti sa China, unti-unti, ibinabalik at pinasisigla niya uli ang relasyon sa US.

Mapanganib ito dahil dalawang imperyalista ang kinakalong niya: Sosyalistang Imperyalistang China, at militarista-imperyalistang US – na kapwa ang nais ay kontrolin ang Pilipinas at gawing makabagong “kolonya.”

Dapat na maintindihan ni Tatay Digong na bilang lider, siya ang manguna sa pagtindig laban sa paglabag ng China sa ating teritoryo, at kung ito ang makikita, lahat ng sambayanang Pilipino ay sasamang maninindigan para sa ating tunay na pambansang kalayaan.

Dapat na igiit ang pagpapalayas sa mga itinayong artipisyal na isla sa ating teritoryo at piliting magbayad ang China sa pinsala sa ating kalikasan at yamang dagat na winasak ng mga instalasyong militar sa mga bahura ng ating karagatan.

Marami pa tayong maaaring gawin, at ito na ang simula ng pagtindig natin bilang isang tunay na malayang bansa.

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.