Advertisers
Ito ang katanungang dapat sagutin ngayon ng McDonald’s Philippines matapos madiskaril ang dapat sana ay masayang birthday celebration nang dahil sa sunud-sunod na kapalpakan ng Las Pinas Branch nito.
Ayon sa reklamong ating natanggap, nangyari ang kapalpakan noong Hunyo 13, 2022, nang hindi tumupad sa usapan ang McDonald’s Las Pinas Branch. Hindi nito naibigay sa napagkasunduang oras ang bulk order ng isang customer na dapat sana ay handa para sa birthday celebration ng big boss ng isang fishing net company.
Hunyo 11 nang umorder ang customer ng 326 pieces ng chicken na kukunin dapat ng Hunyo 13, alas-11 umaga batay sa “matinong usapan.” Bukod diyan, may 68 pieces pa ng chicken na kukunin naman alas-5 ng hapon sa parehong petsa.
Ito ay kasunduan sa ilalim ng contract number GADC 247556.
Gayunman, pagdating ng napagkasunduang araw at oras ng pagpick-up ay sinabi ng McDonald’s Las Pinas branch na hindi pa daw naluluto at naihahanda ang order ng nasabing customer.
Ayon mismo sa isang Joy Bastida, nakalimutan daw ang bulk order, batay sa sinabi ng manager nilang si Rachel Delos Santos.
Kalaunan, mali-mali pa rin ang order na naibigay dahil imbes na tig-2 pieces chicken, one-piece chicken lang ang nailagay sa ilang order, sa kabila nang nangako si Mary Alvarez, isa pang manager, na siya na mismo ang mag-aasikaso upang hindi na sila pumalpak pang muli.
Tunay na nakakadismaya ang ginawa ng naturang McDonald’s branch sa Las Pinas hindi lamang dahil walang kwentang kausap ang mga staff pati managers kundi nakapagdulot pa ito ng kahihiyan sa umorder.
Hindi na nga nila inasikaso kaagad ang nakalimutang order, patuloy pa nilang inuna ang mga drive-thru, dine-in at take-out customers nila.
Dala ng sunud-sunod nilang hindi pagtupad sa usapan, napalitan ng lungkot ang pagdaraos ng masaya sanang selebrasyon. Kulang-kulang 163 na trabahador ng nasabing kumpanya ang nalipasan ng gutom dahil hindi nakakain sa tamang oras.
Nangako ang department manager na si Cathy Balbuena na iimbestigahan ang pangyayari, ngunit hanggang ngayon ay walang update o paramdam ang nasabing branch. Malinaw na ipinagwalang-bahala nila ang perwisyong ginawa nila.
Hindi na maibabalik ang masaya sanang birthday celebration at hindi na mababawi ang kahihiyang hinarap ng umorder sa mga taong umasang makakakain sila sa tamang oras.
Kaya mga mambabasa, alam nyo na walang malasakit sa amo nila ang mga nabanggit na pangalan sa pinagtatrabahuhan nila. Dapat maturuan ng pamunuan ng McDonald’s na marunong tumupad sa kontrata ang kanilang mga tauhan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.