Advertisers
Inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment ang House Bill 2476 o Enhanced Protection, Security and Benefits for Media Workers Act.
Layon ng panukala na palakasin ang fourth estate ng bansa at tiyakin na naibibigay ng mga media companies at networks ang tamang kompensasyon at benepisyo sa mga media workers tulad ng tamang pasahod, security of tenure, hazard at overtime pay, insurance at iba pang benepisyo para sa mga media practitioners.
Nakasaad sa panukala na ang entry-level position ay makatatanggap ng minimum wage compensation na itatakda ng national wages ang productivity commission o kaya ay regional tripartite wages and productivity boards.
Nakasaad din sa section 5 ng panukala na ikokonsidera nang regular employee and media worker matapos ang anim na buwan ng tuloy-tuloy na employment nito.
Ang mga miyembro naman ng media na aatasan na mag-cover sa dangerous at hazardous events o situations ay bibigyan ng karagdagang ₱500 arawang sahod.
Bibigyan din ng mga protective equipment ang mga media workers tulad ng bullet proof vests at helmets gayundin ang medical grade personal protective equipment sa tuwing magcocover sa mga hazardous areas.
Magkakaroon din ng ₱200,000 death and disability benefits ang apektadong mamamahayag.
Bubuo naman ng isang Media Tripartite Council na siyang titiyak na nasusunod ang pagbibigay proteksyon sa mga taga media. (Henry Padilla)