Advertisers
Nagsimula sa pag-float ng mga pangalan ng mga bahagi ng 4-peat ng Growling Tigers noong dekada 90 na sina Estong Ballesteros, Chris Cantonjos at Siot Tanquincen. Pwedeng speculation ng media o maaari ring totoo.
Sinundan yan ng hayagang pagbalita ni PBA legend sa isang sports forum na nag-email na siya sa UST ng liham na interesado siya sa binakanteng posisyon ni Aldin Ayo.
Tapos lumabas na sina ex-USTe player Gilbert Lao at outsider Chris Gavin na nagpadala na rin daw ng pormal na liham gaya ni Cordero.
Sumulpot na rin mga pangalan ng long-time Alaska import Sean Chambers, ang nagbitiw na assistant coach ni Ayo na si Jinno Manasala, Thai mentor Chris Daleo at one-time PBA coach na si Aris Dimaunahan na Team B sa panahon ni Coach Aric del Rosario.
Yung iba diyan seryoso pero may publisidad lang din ang habol.
Nguni’t tanong ni Ka Berong bakit ang daming interesado sa puwesto? Una maraming walang trabaho. Pangalawa ay isang prestiyosong assignment ang hawakan ang mga dribbler ng pamantasan sa Espana Blvd. Pangatlo ay mahuhubog mo ang koponan ayon sa iyong pilosopiya sa coaching dahil back-to-square-one ang UST basketball program.
Kaso dapat magdesisyon na mga pari bago maubos kanilang mga player at maunahan din sa recruitment ng ibang unibersisdad.
Eka nga ay may the best coach be appointed.
***
Sa pagpanaw ng matagal na La Salle sports patron na si Danding Cojuangco kamakailan ay umentra naman sa eksena si Mans Carpio, ang manugang ni Pres. Rodrigo Duterte. May Political Science degree sa DLSU ang asawa ni Sara na walang H.
Konektado ang mag-asawang abogado sa Carpio Duterte Lawyers firm na bigtime na ngayong administrasyon.
Inaasahan na mapapasigla muli ni Carpio ang Green Archers sa susunod na mga season habang nasa poder kanyang biyenan at kabiyak. Kamakailan ay personal niyang pinangasiwaan ang paglipat nina Mark Nonoy at Deo Cuajao sa koponan ni Coach Derrick Pumaren.
Ang senador at super-alalay na si Bong Go ay sa eskwelahan din sa Taft Ave malapit sa Vito Cruz nag-aral. Management course naman ang kinuha ni Go.
Lumilitaw ngayon na admin team ang mga luntiang LaSallista. Sina Mans at Sara ang bulong-bulungan na may kontrol sa binansagang Davao Group.
***
Tanggal na sa NBA playoffs ang dalawang paborito na magkampeon. Bakasyon na ang Bucks at Clippers. Tanging Lakers na lamang naiiwan sa sinasabing title contender sa NBA bubble sa Orlando, Florida.
Kung patuloy magandang laro ng Nuggets ay delikado rin mauwi nang maaga sina LeBron James. Pero ito rin pinakamainam na pagkakataon masungkit ni King James ikaapat na korona. Sa mga game sa regular season ay 3-1 pabor sa Los Angelesang duwelo nila ng Denver. Abangan!