Advertisers
MATINDI talaga ang passion sa music ng recording artist/composer na si Gari Escobar. Marami na siyang na-compose na kanta, na karamihan ay base mismo sa kanyang mga personal na karanasan sa buhay.
Ngayong panahon ng pandemic, ipinahayag ni Gari na ang pananampalataya niya sa Diyos ang naging numero unong panlaban niya.
Saad niya, “Pananampalataya po sa Diyos ang naging panlaban ko sa pandemya kuya, ang musika po ay libangan ko, passion, isang bagay na gagawin ko na masaya ako kahit pang charity.”
Aniya pa, “Ang naging diversion ko ay ang paggawa ng songs. Kailangan kasi para hindi ka ma-depress.”
Gaano kahalaga sa buhay niya ang musika?
“Paggising ko po, after ko mag-pray ay music na agad. Para po siyang eyeglasses ng isang malabo ang mga mata. Very important po sa akin ang music, dahil para itong kaibigan na laging nandiyan, ano man ang nararanasan mo, hindi ka huhusgahan… pareho kayo ng nararamdaman.”
Nabanggit din niya na mixed emotions ang pakiramdam niya na kahit may pandemic ay patuloy pa rin ang buhay, pati na ng paglikha niya ng mga awitin.
“Mixed emotions po ako kuya Nonie, magkahalo ang lungkot ko at saya. Pero yung lungkot ko sa nangyayari sa mundo ay dina-divert ko sa positive, yung kung paano ako makakatulong sa mga nangangailangan, hindi lang sa frontliners, sa simpleng maaabot lang po ng makakaya ko.
“Plus, lagi po akong nananalangin na hindi po tayo pabayaan ng Diyos at patuloy tayong bigyan ng guidance, mga biyaya, pananampalataya, at tapang na harapin ang bukas at ano mang challenges na nangyayari sa atin ngayon, pati ang mga darating pa.”
Naikuwento rin ni Gari ang gagawing online concert next month.
Saad niya, “Sa October 18 po ay may online concert ako at isa po ito sa pinaghahandaan ko ngayon. In the next two weeks ay may online acting workshop uli ako, under Direk Jo Macasa ng GMA7. Seryoso na ‘to kuya, hehehe.
“Ang song ko po pala na Dito sa Piling Ko, composed by kuya Vehnee Saturno is now being played in Energy FM nationwide. Yung four songs ko naman po: Baguio, Tama na, Masisisi Mo Ba at Ayoko na Sayo ay tinutugtog sa 102.7 Star FM.”
Dagdag pa ni Gari, “Sobrang busy po ako ngayon, ang lakas po ng online business ko, lalo pang lumakas nang dumating ang Collagen product. Kasi nakakabata po talaga, nakakaputi pa at nakakatibay ng immune system. Parang three birds in one shot.” (Nonie V. Nicasio)