Advertisers

Advertisers

2ND RT-PCR MOLECULAR LAB, MALAPIT NG MATAPOS – ISKO

0 271

Advertisers

ANG pangalawang real time-polymerase chain reaction (RT-PCR) Molecular laboratory na itinatayo sa Maynila bilang hakbang kontra COVID-19, gamit ang mas high-tech na makina upang higit na maraming residente ang mabigyan ng swab testing ay malapit ng matapos at magagamit na bago matapos ang buwang kasalukuyan.

Ito ang nabatid kay Manila Mayor Isko Moreno, na nagsabi rin na sakaling matapos na ang nabanggit na laboratoryo, ang bilang ng mga sina-swab o sinusuri sa gold standard level sa pamamagitan RT-PCR machine ay aabot na ng isang libo kada araw. Ang RT-PCR machine ang siyang ginagamit ng pambansang pamahalaan para sa confirmatory testing kaugnay ng mga kaso ng COVID.

Sa kasalukuyang laboratoryo na ginagamit sa ngayon at mayroong 200 hanggang 250 katao ang nasusuri araw-araw. Ito ay nasa second floor ng Sta. Ana Hospital kung saan naroon din ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC).



Nabatid kay Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital, na ang bagong mga makina na ilalagay sa pinakabagong laboratoryo na nasa ground floor ay kayang mag-produce ng 90 test kada oras.

Ayon pa kay Padilla, ang proseso para sa ikalawang laboratory ay higit na nakakapagod kaysa sa una.

Matapos na makuha ang virus, ito ay sasailalim sa amplification at iba pang proseso bago tuluyang basahin ng PCR machine. Sa unang lab na tinawag na Xpert Xpress SARSCov2 testing lab kung saan ayon kay Padilla, ang buong sistema ay parang one-stop shop na ang kailangan lang gawin ay ilagay ang specimen sa cartridge, ipasok ang cartridge sa makina at babasahin na.

Ang kabuuang oras sa parehong laboratoryo sa pagpoproseso ng resulta ay pareho lamang.

Matatandaan na noong nakaraang Setyembre 6, sina Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang, ay tumanggap ng donasyon na dalawang Sansure Extraction Machines.’ Bawat isa ay may fully-automated nucleic acid extraction system na epektibong tutupad sa adhikain ng alkalde na mas maraming residente ang masuri araw-araw gamit ang mas accurate na confirmatory method na swabbing.



Sa kanyang pagpapasalamat sa pambansang pamahalaan sa kanilang donasyon ay nagpahayag din ng pasasalamat ang alkalde sa Ayala Foundation at sa mga kumpanya nito dahil sa pagsagot sa lahat ng gastusin sa pagtatayo ng bagong laboratoryo na tinatayang nasa P7.7 million.

Ayon kay Moreno, mahal ang pagtatayo ng laboratoryo dahil bukod sa mga kailangang gamit na ilalagay sa loob nito ay kailangan din na ang ventilation o negative pressure nito at ay regulated upang matiyak na ang mga medical frontliner na magpapatakbo nito ay mapoproteksyunan mula sa impeksyon. (Andi Garcia)