Advertisers
NATAWA ang marami sa naging pasabog nitong Food and Drug Administration (FDA).
Mantakin nyo, mga pare’t mare, ang 62-anyos nang kumpanya ng RENO Liver Spread ay ngayon lang natuklasan ng FDA na ‘di rehistrado sa kanila. Ngek!
Mag-anim na dekada na ngayon ang sikat at masarap na palamang ito sa tinapay at panghalo sa kaldereta… eh hindi pala rehistrado sa administrasyon ng mga pagkain at gamot. Napakainutil naman nitong FDA!
Kung nakalalason pala o may masamang side effect sa kalusugan ang mga sangkap sa paggawa ng Liver Spread ng RENO, malamang natigok na ang mga ipinanganak si-mula 1958. Mismo!
Malaking dagok sa RENO ang ginawang ito ng FDA. Malamang biglang bagsak rito ang sales ng kumpanya. Pag nangyari ito, may mga mawawalan na naman ng trabaho.
Kahit pa sinabi ni Director Marilyn Pagayunan, ang head ng FDA – Center for Food, na kaagad din nilang babawiin ang kanilang advisory kapag nakapag-comply na ng requirements ang RENO, mag-aalangan narin ang mga tao na bumili pa ng RENO Liver Spread. Mismo!
***
Panawagan para sa Manila Departent of Public Service (DPS) Manila City Hall:
Inirereklamo ng concerned citizens ang mga tricycle at taxi drivers na bumababoy sa isang lugar sa tapat ng Jose Reyes Hospital sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila.
Narito ang reklamo:
“Magandang araw po. Report ko lang kay Yorme Isko itong mga tricycle driver saka mga driver ng taxi dito po sa harap ng Jose Reyes Hospital. Dito sila nag-iihihan sa may labasan ng Rizal Avenue. Ang panghe panghe na. May mga nagtitinda rito. ‘Di ba sila napapanggehan? Da-ming taong dumadaan dito ihi nang ihi. Itong mga driver na ito ang bababoy. Kahit dumadaan mga babae walang pakialam ang mga hinayupak na mga driver na ito. Sana makarating ito kay Mayor Isko Moreno, paghuhulihin mga bababoy na mga driver na ito, mga bastos! Maraming salamat po mabuhay! – Concern citizen
DPS-Manila, aksyon!
***
Nagkasundo rin ang mga opisyal ng Inter-Agency Task Force (IATF) kontra covid ‘19 na ibalik sa 1 meter ang distansiya sa social distancing para makaiwas sa hawaan ng virus.
Ito’y matapos pagtalunan ng mga opisyal ng IATF ang pagpatupad sana ng .75 physical distancing para narin madagdagan ang bilang ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, si Pangulong Rody Duterte nalang ang magdedesisyon kung paiikliin na ang physical distancing.
Inhale, exhale muna tayo!!!
***
Pinaaamyendahan ni Pangulong Duterte sa Kongreso ang batas laban sa katiwalian.
Sus! Kahit anong pagbabago pa ang gawin sa batas laban sa mga tiwali kung ayaw nyo, Mr President, namang iaplay ang batas ay aksaya lang ito ng oras at pera sa Kongreso.
Eh si Health Sec. Francisco Duque nga na tinagurian nang “Godfather ng mafia” sa PhilHealth inabsuelto!