Advertisers
AYAW nyo ba na magkaroon sa Metro Manila ng isang malinis, maaliwalas na pasyalan at aliwang pasigan (beach) na mala-Boracay ang lalakarang maputing buhangin?
Mas marami ang natutuwa kaysa kumokontra sa inilalatag na ngayon sa may 500 metrong haba ng Baywalk mula US Embassy hanggang Manila Yacht Club sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Isipin na yung walang-walang ikakayang pumasyal sa Bora sa Aklan, kahit paano ay pwede nang makaranas ng kaaliwang maihahambing sa Boracay.
Tutol dito ang Makabayan bloc ng Kamara, kasi pag-aaksaya raw lang ito sa pondong P389 milyon para sa Manila Bay rehabilitation program kung saan kasama rito ang dinurog na batong dolomite na hinango at hinakot mula sa Cebu.
Maging ang mga instant environmentalist ay kontra sa “white beach” na nilinis, inayos at pinagandang pasyalan at languyan na ikinatwirang mas dapat daw na gastusin ang salapi sa pagkain o ibang mas mahalagang bagay, pero hindi ang puting buhanging mula sa dinurog na batong dolomite?
Pandemyang Covid na nga raw, kung ano-ano pang “pag-aaksaya” ang inaatupag, at bukod pa sa yun daw proyekto ay mapanganib sa tao, at makasisira raw sa buhay ng isda at iba pang hayop sa tubig ng Manila Bay?
Pero ayon sa mga tunay na pagsasaliksik at pag-aaral, hindi peligroso ang buhanging dolomite – ginagamit pa nga itong panghalo sa pagkain ng mga hayop at pampalusog sa mga tigang at baog na lupa, ayon sa mga expert sa agrikultura.
***
Hindi pinong-pino na tulad ng buhangin sa Bora ang ilalatag na puting durog na batong dolomite, at hindi ito lumulutang sa hangin kaya, mala-imposibleng malanghap tulad ng ikinatatakot ng mga kritiko.
Ang proyekto, ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary and Spox Benny Antiporda ay noon pang 2019 bago pa nangyari ang pandemyang COVID-19 at dahil ba may pandemya, ititigil na ang proyektong rehabilitasyon at aksiyong muling ibalik ang ganda at linis ng tubig at buhangin sa pasigan ng Manila Bay.
Hindi bahagi ng reklamasyon ang proyekto tulad ng pangamba ng mga environmentalist kuno; ito ay isang “beach nourishment” na pagsunod ng DENR at ang lawak ng pagagandahin ay may haba lamang na 500 metro at 160 lapad ng buhanginan ng Baywalk sa Manila Bay na tambakan ng dumi, basura, latak ng mga langis at ebak ng tao at hayop na inaanod mula sa mga ilog at daang tubig na pinagtatapunan ng mga walang disiplinang negosyante at taong nasa Metro Manila at paligid na lalawigan.
Sa utos ng Supreme Court noong Disyembre 18, 2008, inobliga nito ang 13 ahensiya ng gobyerno, kasama ang DENR, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Metro Manila Development Authority, Coast Guard, Department of Education, department of Agriculture at iba pa na linisin, ayusin at protektahan ang buong Manila Bay laban sa dumi, basura at polusyon.
***
Imbes na kastiguhin sa pagtupad sa atas ng Korte Suprema, dapat ay purihin ng mga environmentalist ang pagpupursige ng DENR at ng gobyernong ito na maibalik sa dating ganda at linis ang bahaging iyon ng Manila Bay.
Tungkol sa mga pangambang mauubos ang puting buhangin kapag may malalakas na alon, tiniyak ng Department of Public Works and Highways at ng DENR, kasama ang mga eksperto sa katubigan na hindi ito mangyayari at may nakahanda na silang engineering intervention para maiwasan ito na mangyari.
Babantayan ng river protectors ang mga ilog at daang tubig upang hindi makapasok ang basurang dala ng bagyo sa lugar ng “Manila Boracay” at gagawing tuloy-tuloy ang pagbabalik ng ganda ng tubig sa Manila Bay upang muling umusbong ang mga bagong buhay na halaman at isda at iba pang buhay-dagat sa Look ng Maynila.
Kung makikipagtulungan ang lahat at magiging disiplinado ang taumbayan na iwasan na ang pagtatapon ng dumi at basura sa mga ilog; at ang mga establisimyentong negosyo ay magtatayo ng sariling water treatment ay posible na ang lahat maisasaayos at magiging malinis na, ultimo ang mga pakakawalang tubig na dadaloy sa mga ilog na tutungo sa Manila Bay ay malinis na.
Tulad ng ginawang paglilinis sa Boracay, ang ibang maruruming bahagi ng Manila Bay at mga katubigang ilog at estero sa buong Metro Manila at kalapit probinsiya tulad ng Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan at Pampanga ay muling mapagaganda kung magtutulungan.
Muling dadami at lalago ang mga buhay at lamang-dagat na dagdag sa pagkain at sigla ng turismo sa ating bansa.
Pagtutulungan, pagkakaisa, at disiplina, ito ang solusyon sa dumi, basura at polusyon.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.