Advertisers

Advertisers

Propesyunal at lehitimo ba ang ‘FB live’ broadcast?

0 410

Advertisers

Nakakalungkot na mabalitaan na isa na namang dating mamamahayag ang pinaslang noong Lunes (September 14, 2020) sa may lalawigan ng Sorsogon.

Ang biktima na si Jobert “Polpog” Bercasio na dating radioman, ay nagpursige na makapagbalita sa pamamagitan ng kanyang Facebook platform nang mawala siya sa pagbabalita sa radyo. Tinatalakay niya ang illegal logging sa probinsiya, ang kwento ng ibang media roon. Ang huli nga raw niyang post sa FB ay litrato ng mga truck na walang mga plaka at may sakay na mga troso.

Yun na ang huling post ni “Polpog”, dahil nga dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na naka-helmet at itim na jacket ang walang habas siyang pinagbabaril, na agarang ikinamatay ni Bercasio malapit sa Seabreeze Homes sa Barangay Cabid-an dakong 8:00 ng gabi. Ayon sa mga naka-saksi, ang mga salarin ay galing sa Bolago at tumakas patungong Diversion Road matapos ang pamamaslang.



Ito ang bago nating ikinaaalarma bilang namumuno sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), dahil dumarami na sa ating mga kabaro ang nagbabalita gamit ang Facebook platform sa social media. Maging di tunay na mamamahayag nga ay ginagawa ang pagbo-broadcast sa ganitong paraan.

Daig pa nila ang anak kong graduate ng 4 na taong Broadcast Communications. Hindi makapasok sa media. Hahaha!

Sa pananaw ng malalaking grupo ng media, hindi maituturing na lehitimo ang ganitong paraan lalo na’t walang pribado o anumang ahensiya ang nagre-regulate dito. Mahirap ang maging bara-barabay pagkat malamang na problema kaysa kabuhayan ang anihin dito.

Kaya kakausapin natin ang Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas at iba pang media organization sa lalong madaling panahon kung paano natin ituturing ang matatawag kong “home-based”, “backyard” FB-based “online news” outfits. Mahalagang malaman natin paano nabubuhay ang mga mamamahayag sa ganitong uri ng pagbabalita. Dahil maaring kakaiba ang mga pribilehiyong nakukuha sa ganitong istilo. Pangalawa, wala itong pangangailangan ng anumang prangkisa. Paano kikita o kumikita ang mga nagpapahayag lalo na kung sila ay may mga katulong sa kanilang pagbabalita? O’ parang “guerilla-type” na mapanganib, ang kanilang operasyon?

Panahon na para masagot ang tanong kung ikokonsidera bang lehitimong media ang involved sa ganitong paraan. Maaaring OO at maaaring HINDI.
Kaya dapat itong pag-usapan na. Ayaw na nating madagdagan pa ang biktima ng pagpaslang gaya ng nangyari kay Bercasio. Siya ang unang casualty mula sa hanay ng “online TV”.



Mga ganitong katanungan ang mga dapat nating bigyan ng lunas o kasagutan. Kung hindi, ang mga nagbabalita sa ganitong paraan ay talagang mahaharap nga sa anuman ding uri ng panganib. Ito kasi ang kautusan at tungkuling sinumpaan ng PTFoMS nang buuin ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang protektahan ang lahat ng mamamahayag.

Maging si PTFoMS Co-Chairman at Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin M. Andanar ay nababahala rin sa balita at kinukundina ang pamamaslang nang maghayag siya ng kanyang pakikiramay sa mga naulila ni Bercasio.

Bilang Executive Director ng PTFoMS, kasama ang ating kalihim, magpapatuloy tayo sa pagtugis sa mga salarin ng ating mga kabaro sa pamamahayag at sisiguraduhing sila ay makukulong kasama ng kanilang mga mastermind.