Advertisers
LINAGDAAN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kontratang nagpapahintulot sa DITO Telecommunity Corporation (DITO) na magtayo ng mga tore sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang laman ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng AFP at DITO ay magtatayo ang huli ng mga tore na paglalagyan ng “communications equipment” sa mga kampo – militar sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang nilalaman ng communications equipment ng DITO ay ang “microwave relay and base transceiver station for mobile communication and tower facilities.”
Sa ganitong paraan, mailalatag ng DITO ang buong linya ng negosyong komunikasyon at internet nito sa maraming panig ng bansa.
Ang DITO ang ikatlong kumpanya ng telekomunikasyon sa bansa.
Ang dalawa pa ay ang Smart Telecommunications at Globe Telecoms na matagal nang inirereklamo dahil sa napakabagal na takbo ng internet, ngunit napakabilis sa singilan.
Syempre, naging mainit na isyu ito dahil ang DITO ay pag-aari ng mga negosyanteng Filipino sa pangunguna ng kumpanya ni Dennis Uy at ng China Telecom Corporation (ChinaTel).
Ang hatian ay 60 porsiyento sa grupo ni Uy at 40 porsiyento sa ChinaTel.
Ang ChinaTel ay ikapitong pinakamalaking telco sa buong mundo sa kasalukuyag panahon.
Hindi lang basta dayuhang kumpanya ang ChinaTel, kundi pag-aari ito ng pamahalaan ng People’s Republic of China.
Tumutol ang ilang senador na kabilang sa oposisyon, kabilang na ang pangulo ng Liberal Party (LP) na Senador Francis Pangilinan.
Sabi ni Pangilinan, “makokompromiso” ang seguridad ng mamamayang Filipino at “security data” ng bansa sa China.
Kaya, panawagan ni Pangilinan kay Lorensana ay “iatras” ang kasunduan.
Gusto naman ni Senadora Ana Theresia “Risa” Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang MOA ng DITO at AFP upang alamin ang detalye ng kasunduan.
Pabor ako sa pananaw ni Pangilinan, ngunit dismayado ako sa pasya ni Hontiveros.
Hindi na kailangang imbestigahan pa ang MOA ng DITO at AFP.
Kailangan pa ng “investigation in aid of legislation?”
Hindi na.
Manawagan ang lahat ng senador – at maging ang mga kongresista – kay Lorensa at sa pamunuan ng AFP na agad na iatras ang MOA ng DITO at AFP.
Ang pagpasok pa lamang ng kumpanyang 40% ang pag-aari sa kumpanya ng mga Filipino sa mga kampo – militar ay hindi tama, hindi makabuluhan, hindi nakaugnay sa layunin ng AFP na protektahan ang mga Filipino, ang ating estado at ang soberenya ng ating bansa laban sa dayuhan.
Trabaho, tungkulin at obligasyon ng AFP na protektahan at ipagtanggol ang mamamayang Filipino at ang ating bansa laban sa mga dayuhan, ngunit pinayagan at linagdaan pa ni Lorenzana ang kasunduan ng DITO at AFP.
Nagkaroon nga tayo ng ikatlong telco na ang inaasahang gawin nito ay magbigay ng higit na maganda, mabilis at epektibong serbisyo kumpara sa Smart at Globe, ngunit napasok ng pamahalaan ng China ang mga kampo ng mga sundalo, sa pamamagitan ng DITO na pag-aari ng pangkat ni Uy at ng ChinaTel.
Pokaragat na ‘yan!