Advertisers
SA kabila ng paulit-ulit na babala nina Sec. Eduardo Año at Usec for barangay Affairs Martin Diño ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kanilang kakasuhan ang mga halal na opisyales ng gobyerno na nagpabaya sa kanilang tungkulin, o kaya ay protektor ng mga iligalista, ay patuloy namang nakapaniningkalag ang maraming elementong kriminal sa ilang mga siyudad at bayan sa CALABARZON.
May puntos nga naman ang mensahe ng isa nating tagasubaybay sa kanyang panawagan kina Año at Diño na kasuhan na ang mga kukuya-kuyakoy na mga alkalde, hepe ng kapulisan at mga barangay official pagkat puro press releases lamang ang nagawa ng dalawang DILG top brasses ngunit kulang naman sila sa aksyon.
Nag-uusisa din ang nagpakilala sa atin na “Concerned Kagawad” kung bakit di pinakakasuhan nina Sec Año at Usec Diño sina Lipa City Mayor Eric Africa at Tanauan City Mayor Angeline “Sweet” Halili at alkalde ng bayan ng Balayan, lahat ay sa lalawigan ng Batangas dahil sa suspetsang kundi man nagpapabaya ang mga ito sa tungkulin ay sila mismo ay kunsintedor at protektor ng mga gawaing iligal sa kanilang hurisdiksyon sa panahong ito ng pandemyang COVID 19.
Di naman makapaniwala ang inyong lingkod sa suspetsa ng maraming kabababayan ng mga nabanggit na local executive, kaya sana ay kumilos ang mga ito laban sa mga elementong kriminal sa kanilang nasasakupan.
Samantala, alamin din natin kina Sec. Año at Usec. Dino kung bakit di rin nakakasuhan si Carmona, Cavite Mayor Roy M. Loyola kung saan talamak ang operasyon ng burikian at pasingaw ng magkasosyong Bokal Cholo at Amang Kupal sa Brgy. Bancal ng naturang munisipalidad.
Sa Brgy. Loob sa bayan naman ng San Antonio, Quezon Province ay may paihian din ng produktong petrolyo, molasses at mantika ang “Quezon Province Buriki King” na si Hiwatig ngunit tila kinukunsinte ito ni Mayor Eric Wagan.
Bago man lamang malipat si PNP Region 4-A Director PBG Vicente Danao Jr. sa NCRPO, maaksyunan sana niya ang mga kawalanghiyaang ito sa kanyang hurisdiksyon.
Tutukan po natin ang mensahe ni Concerned Kagawad sa inyong lingkod:
Sir SIKRETA, Inutil po yata itong sina Lipa City Mayor Eric Africa at Tanauan City Mayor Angelina “Sweet” Halili pagkat sa kabila po ng mga reklamo tungkol sa iligal na bentahan ng petroleum at oil products sa mga bangketa at gilid ng kalsada sa mga pangunahing lansangan at barangay sa kanilang nasasakupang siyudad ay hindi naman ang mga ito umaaksyon.
Katulad din nila (Africa at Halili) sina P/LtCol. Victor Sobrepeña hepe ng pulisya ng Tanauan City Police at P/LtCol. Antonio G. Rotol, Jr., kung di man sila pabaya ay baka nasusuhulan na sila ng kapitalista ng burikian at iligal na gasolinahan nina si Estolano at Albert.
Ang mga pwesto ng iligal na gasolinahan nina Estolano at Albert ay nasa mga gilid lamang ng kalsada at bangketa sa Brgy. Bolbok, Poblacion 1- Poblacion 12, San Carlos, Balintawak, Sabang, Bulacnin, Anilao, Anilao Labac, Bagong Pook, Bulaklakan, Dagatan, Calamias, Antipolo del Norte, Antipolo del Sur, Cumba,Tambo, Pinagkawitan, Inosluban, Kayumanggi, Mabini, Banay-banay, Pangao, Sampaguita, Santo Toribio, Pinagtungolan, Bugtong na Pulo, Lodlod, Pusil, San Sebastian , San Benito, at iba pang mga lugar, pawang sa Lipa City.
Sa Tanauan City ay may pwesto din sina alias Estolano at Robert sa mga Brgy. Santor, Ulango, Balele, Poblacion1- Poblacion 7, Sambat, Darasa, Sulpoc, Suplang, Talaga, Cale, Tinurik, Trapiche, Wawa, Janopol , Laurel, Luyos, Mabini, Malaking Pulo, Sala, Sambat, San Jose, Natatas, Pagaspas, Pantay Matanda, Pantay na Bata, Ambulong, Banadero, Maugat, Bagbag, Bagumbayan at iba pa.
Sa mga bote ng soft drinks, galon, at container lamang nakaimbak ang kanilang delikadong paninda. Mga truck, jeep at tricycle driver ang suking buyer ng nakaw na gasolina, krudo, kerosine at langis nina Estolano at Albert.
Ito naman pong sina Sobrepeña at Rotol Jr., ay parehong walang kusang palo o inisyatibo para supilin ang labag sa batas na hanapbuhay nina Estolano at Albert. Baka naman nasusuhulan sila nina Estolano? Paano po kaya sila napagkatiwalaan ni General Vicente Danao Jr.?
Bantog naman po ang patupada sa Brgy. Sucol ng isang Kap. Liwanag ngunit parang bulag ang mga mata ni Mayor Emmmanuel JR Fronda at Balayan Police Chief, P/Capt. Jeffrey Dallo.
Spoiled brat si Liwanag kay Mayor Fronda pagkat kaalyado ni mayor sa pulitika si Liwanag at ang pinakamatindi pa ay sinasangkalan pa nito ang pangalan ni Region 4-A PNP Director, PBG Vicente Danao, Jr. Kaya naman takot kay Liwanag si Balayan Police Chief P/Capt. Jeffrey Dallo.
Akala lamang natin na maipatutupad nina Sec. Año ang “No take at One Strike Policy,” sa hanay ng kapulisan, ngunit nagkamali pala tayo sa ating pag-asam.
Baka naman po sakali na sa pamunuan ni PNP OIC Dir. General Camilo P. Cascolan ay maipatutupad na ang tunay internal cleansing at repormang pangkapulisan?
SIKRETA: Wala na nga marahil na maniniwala pa kina Año at Diño kapag hindi ng mga ito nasupil ang mga kailegalan sa Region 4-A sa panahong ito ng kagipitang pambansa, kailangan ding maipagharap ng kaukulang asunto ang mga nabanggit na alkalde, hepe ng kapulisan at mga barangay chairman kung saan ay malayang nakakakilos ang mga ilegalista.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com