Advertisers

Advertisers

P3M HOSPITAL EQUIPMENT, TINANGGAP NG MAYNILA

0 334

Advertisers

MAY P3M halaga na mga modernong hospital equipment na magbebenipisyo sa mga nagdadalantao at sa kanilang di pa naisisilang na sanggol na di kayang tustusan ang napakamahal na pre-natal check up, ang tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ang mga nasabing kagamitan ay binubuo ng modernong ultrasound at fetal monitor machines, ay tinanggap nina Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, Secretary to the Mayor Bernie Ang at Sta. Ana Hospital dirctor Dr. Grace Padilla mula sa Rotary Foundation na pinangungunahan ng Rotary Club of Makati San Lorenzo at Rotary Club Pohang Eunhasu sa isang simpleng turnover ceremony sa City Hall.

Pinaliwanag ni Ang na ang P3 million halaga ng mga kagamitan ay upang masiguro na ligtas at malusog na maisisilang ang mga sanggol, kung saan ang galaw ng sanggol sa sinapupunan ay mamo-monitor gamit ang mahal at high tech na makina.



Pinasalamatan ni Moreno ang mga donors sa pagkakapili sa lungsod para tumanggap ng kanilang donasyon at tiniyak sa mga ito na ang mga makabagong gamit pang-ospital ay makakatulong ng malaki sa mga kapus-palad na nagdadalantao.

Binanggit pa ng alkalde na ang mga ibinigay na gamit ay mapupunta sa Sta. Ana Hospital at Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.

Sa kanyang panig, sinabi ni Padilla na libu-libo na mga mahihirap na buntis mula sa ika-6 na distrito ang makikinabang sa mga bagong kagamitan dahil magiging bahagi ito ng libreng serbisyo ng Sta. Ana Hospital. Nabatid na may 8,000 sanggol ang isinisilang ng libre taon-taon sa Sta. Ana Hospital.

Ayon pa kay Padilla, bahagi ng serbisyo bago manganak ang isang ina ay check-ups at iba pang pre-natal services at lahat ng ito ay libre base sa direktiba ni Moreno.

Samantala ay sinabi ng alkalde na ang buong Mobile Serology Testing Clinic ay patuloy na iikot sa lungsod upang magkaloob ng free testing bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at agad na magamot ang mga nahahawa ng virus.



Ang mobile clinic ay kadalasang nagpupunta sa mga lugar kung saan naiulat na mataas ang kaso ng COVID. Noong isang araw ay nagsagawa ng pagsusuri sa mga residente ng Barangay 116, Zone 9 at Barangay 414, Zone 42 sa Tondo at Sampaloc.

Sinabi ng alkalde na hindi titigil ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng testing, pagtunton at paggamot sa mga apektado ng COVID-19 hanggang wala pang available na bakuna dito. (Andi Garcia)