Advertisers

Advertisers

ANG LUPIT

0 499

Advertisers

ANG karangalan sa buhay ang isa sa pinakaninanais ng bawat tao rito sa mundong ibabaw. Makamtan lamang ito’y parang naabot na ang langit na nagduduyan sa iyong ulap ng kaligayahan, lalo’t kung ito’y nakuha sa malinis na paraan – walang tinatapakan o naaapi.

Maraming obrero ang naghahabol nito dahil kalakip nito ang dagdag na benepisyo, promosyon at konting kaperahan. Ngunit mahirap makamit ang pagkilala sa natatanging pagganap sa trabaho, kung saan binibilang ito ng taong pagtatrabaho ng mga obrero.

Sa kabila ng lahat, ang mismong karangalan ang pinakaninanais ng ating mga bida dahil pinapangahulugan ito ng kanilang kahusayan sa gawaing hanapbuhay. Ang maging tampulan ka ng bidahan sa mabuting balita ay tunay na nakatataba ng puso.



‘Ika nga – ‘iyan ang malupit sa trabahong iyan. Kung sa salitang obrero, siya ang master o guru natin. Tulad ni Ba Ipe kung sulatan sa pamamahayag ang pinatutungkulan ng usapan.

Bigyan natin ng pansin ang serbisyong publiko. Ang mga kawani rito, lalo ang mga rank-and-file, ang siyang tunay na mga bayani ng bayan. Tulad ng mga health workers sa mga pampublikong ospital, hindi ba’t karapat-dapat silang tawaging bayani ng bayan?

Mataas ang kalidad ng karamihan sa mga kawani ng pamahalaan dahil may sinusunod ito na batayan, lalo na sa mga nakapagtapos sa paaralan. Mataas din ang ethical standard na ibinababa ng Komisyon ng Serbisyo Sibil, at patuloy pa itong sinusundan hanggang sa bawat opisina ng pamahalaan.

Sa pagkakaalam ng marami, lubhang malala ang nakawan sa gobyerno; ngunit ang lahat ng ito’y pananaw lamang. Mayroon din, subalit karamihan sa kanila’y mga political appointees lamang na dala-dala ng mga pulitiko. Sila ay ang mga co-terminus lamang sa mga naipwesto ng pangulo at kapag natapos na ang term of office – kusa na ring mababakante ang upuang pwesto.

Balikan natin ang lupit ng mga kawani ng gobyerno. Para sa kaalaman ng mambabasa, ang pamahalaan ay nagbibigay ng mga parangal sa mga kawani nito. May taunang selebrasyon ng Serbisyo Sibil at mayroon ding parangal tuwing sasapit ang buwan at linggo ng Serbisyo Sibil.



Pararangalan ang pinakamahuhusay na Lingkod ng Bayan – mula LGU, pambansang opisina at maging hanggang sa mga GOCC. Iginagawad sa pinakamahuhusay na kawani ang Dangal ng Bayan Award at mismong ang pangulo ng bansa ang nag-aabot nito sa mga nanalo.

Kasama ang plake/tropeyo at cash incentive; tiyak na rin ang promotion mo sa susunod na Salary Grade at marami pang iba’t-ibang parangal ang ibinibigay sa bawat kagawaran o sangay ng pamahalaan sa kanilang hanay. Ang lupit ‘di ba?

Tingnan pa natin ang ibang uri ng malulupit: Mga uri ng malulupit na sadyang ayaw nating nakikita dahil nangingibabaw ang ating inis sa halip na pagbati. Talagang marami rin sa kanilang ang nagawang makaupo sa pamahalaan, kasabay ang kanilang mga amo na malapit sa naluklok.

Karaniwang empleyado sila na laging kasama sa mga task force o sa mga pansamantalang grupo na may mga atas mula sa nanunungkulan. Karamihan sa kanila’y mga confidential workers, ngunit sila ang tunay na malulupit dahil halos ginagawa nila lahat, maging ang mga regular na gawain ng mga ordinaryong kawani o kaya’y nagdu-duplicate na ang gawa ng mga tauhan.

Karaniwang galit sa kanila ang mga organikong kawani dahil sa lupit nilang magsumbong sa amo. Sila ang mga mismong abusado at karaniwang sabit sa mga tongo at anomalya. Hindi sila madaling masita, kahit ng iilang matataas na kawani, dahil sa lapit nila sa kanilang mga amo.

At kung magkaroon man ng mga aberya o isyu sa kagawaran, inaalis lamang sila basta-basta, na parang balewala; subalit ang batik at puna ng bayan – nakabalatay sa buong opisinang ginaganapan.

Sa paglilingkod sa pamahalaan, huwag nating hanapin ang mataas na pasahod. Ang mahalaga rito: Maibaba ang serbisyong dapat sa tao. Huwag kalimutan na isinasapuso ang pagse-serbisyo upang maipatupad ang nais ng taong bayan; ito ang kanilang tunay na panata sa bayan.

Kung naitalaga ka, ganun din ang dapat nating inaasal. Ang paglilingkod sa taong bayan, gaano man ka konti ang itatagal sa iyong pinaglilingkuran, ang maialay mo ng tama ang serbisyo’y sapat na.

Alisin ang pang-aabuso at suklian ng sipag at katapatan sa bayan, hindi lamang katapatan sa taong nagluklok sa iyo sa pwesto. Simulan na natin ang katapatan sa serbisyo at hindi sa amo. Ang nagpapasahod sa iyo ay ang taong bayan na pinagmamalupitan mo.

At ang tunay na sukli nito ay ang parangal na maipagmamalaki mo, maging sa iyong mga salinlahi. Sa mga namumuno, huwag natin isama ang mga kawani ng pamahalaan sa pulitikang nais ninyo.

Sa totoo lang, masarap at nakatutuwa ang magtrabaho sa pamahalaan dahil tunay na talagang nararamdaman mo kung paano ka nakatutulong sa mamamayan na siyang mandato ng opisinang pinaglilikuran.

Talagang bumababa ang mga kawani ng pamahalaan sa mga lugar na dapat nilang puntahan; kahit anong layo niyan o tarik ng lakaran, wala sa kanila ‘yan basta’t maipapaabot ang serbisyong dapat para sa bayan. At dito natin ipakita ang ating lupit, ang lupit ng tunay na serbisyo para sa bayan.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com