Advertisers
MAKATUTULONG ang automation sa sistema ng pakikipagtransaksiyon ng mga negosyante at brokers sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) dahil mababawasan, kundi man tuluyang mawawala ang katiwalian at korapsyon sa nasabing ahensiya.
Ang inilaang pondo para sa automation project ng BOC nitong 2019 ay P6 bilyon, batay na rin sa rekord ng Department of Finance (DOF), Senado at BOC.
Hindi ito naganap.
Mismong si Finance Secretary Carlos Dominguez III ang umamin sa Senado na pumalpak ang P6 bilyong halaga ng BOC automation project.
Bilang kalihim ng DOF, si Domiguez ang hepe ng mga opisyal at kawani ng BOC, sa pangunguna ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Sabi ni Dominguez sa mga senador kamakailan, maraming isyung nakahadlang sa implementasyon ng proyekto, kabilang na ang mga kasong inihain sa korte laban sa automation.
Moderno na ang transaksiyon sa pamahalaan ngayon, ngunit hinaharang ng mga masasamang loob.
Ang transaksyon sa pamahalaan na ipinadadaan sa computer ay hindi lang upang mapatigil ang anumang katiwalain, pandaraya sa babayarang buwis at bayarin, kundi upang mabilis ang operasyon.
Kung mabilis na oras, epektibo ang serbisyo.
\Kung ganito, tiyak malaki ang matitipid ng pamahalaan sa gastos nito sa operasyon at mababawasan ang oras na ginugugol ng mga kliyente ng pamahalaan.
\Ganito na ang ginagawa ng maraming kumpanya dahil lumalaki ang kita nila sa online transaction.
Sa dulo, makatutulong ito nang malaki sa ekonomiya ng bansa.
Pero, ayaw ito ng mga negosyante at brokers na gustong maghahatag lang ng lagay at lingguhang tara sa BOC, kapalit ng mababang babayarang buwis, o literal ay wala.
Dahil nga napakahalaga ng proyektong awtomasyon, ipinunto ni Senadora Mary Grace Poe kay Dominguez na ilarga ang proyektong ito dahil makatutulong ito sa pagsugpo sa katiwalian at korapsyon na resulta ng ismagling sa BOC.
Ipinaalala ni Poe sa kalihim na: “The BOC has been losing billions for years from technical smuggling, and one of the solutions pointed out at the last DBCC hearing was to fully automate its system and eliminate human intervention.”
Upang patunayang totoo ang iginiit ni Poe, binanggit nito na P30.73 bilyon ang kulang sa tudla ng kabuuang kukolektahing buwis at taripa ng BOC para sa 2019.
Pokaragat na ‘yan! P30.73 bilyon ang nasayang na pera?!
Napakarami nang mahihirap na mga Filipino ang makikinabang nito?
Napakarami nang manggagawa, magsasaka, manggagawan-bukid, mangingisda, nars at journalists ang ipantatawid ang kani-kanilang buhay upang hindi maghirap sa P30.73 bilyon.
Kaso, hindi nakolekta.
Ani Poe: “This may be a mere five percent of the total collection target by the bureau, but P30.73 billion is still a considerable amount especially as we battle with the pandemic and struggle to help the most affected sectors.”
Idiniin ng senadora na obligadong bilisan ng BOC ang implimentasyon ng P6 bilyong halaga ng proyektong awtomasyon dahil panlaban ito sa garapalang katiwalian at korapsyon sa BOC.