Advertisers
Near, far, wherever you are… make sure you’re practicing social distancing! — Singer Celine Dion
AYON sa datos ng pamahalaan, humupa na ang pagdami ng mga kaso ng Covid-19 at ito ang dahilan kung bakit niluluwagan na ang mga protocol para sa kaligtasan ng ating mamamayan laban sa sakit na severe acute respiratory syndrome-coronavirus 2, o ang SARS-CoV-2.
Pinag-aralan natin at sinuri ang mga kaganapan mula nang mapabalita ang unang kaso ng Covid-19 dito sa atin sa Pilipinas. Mabilis ang naging tugon ng administrasyong DUTERTE sa pandemya at talaga namang pinagpulungan ng ating mga opisyal sa pamumuno ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE ang lahat at bawat hakbang para matiyak ang kaligtasan ng sambayanang Pilipino kontra sa sakit.
Subalit mayroon tayong naobserbahan dito . . .
Kung ako po ang inyong tatanungin, nasa wastong pamamaraan ang ginagawa ng ating gobyerno upang matugunan ng husto ang pandemya—dangan nga lang ay marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakaunawa at hindi sumusunod sa mga alituntunin na dapat sundin para malabanan natin at mapagtagumpayan ang Covid-19.
Patuloy pa rin ang ilan sa ating mga kapitbahay at kakilala ang binabalewala ang mga minimum health protocol na pagsuot ng face mask at face shield (sa tamang pamamaraan), pagkakaroon ng distansya o ang social distancing sa bawat isa at ang mas mahalaga na pag-iwas lumabas ng ilan sa atin dahil malaki ang posibilidad ng pagkahawa sa sakit at pagkalat nito sa iba.
Batay sa Bayanihan Act 1 at 2, ang may karapatan lamang na lumabas ng kani-kanilang tahanan ay yaong mga frontliner, mga nagtatrabaho o dili kaya yaong pupunta sa ospital para magpa-check up o magpagamot. Kabilang din yaong bibili ng pagkain at mga pangangailangan sa kanilang bahay—subalit saglit lang ito at binibigyan sila ng sapat lamang na panahon para gawin ito.
Subalit alam nating hindi ito nasusunod. Marami tayong nakikitang tambay, mga batang naglalaro sa kalsada at mga taong namamasyal at walang mahalagang layunin para lumabas ng kanilang bahay.
Kaya nga tama lang na luwagan na ng pamahalaan ang mga protocol. Kumbaga, bahala na si JUAN kung magkakasakit siya o mahahawaan ng Covid-19 — at hindi na dapat isisi ito sa atin ng pamahalaan. Ang bawat isa sa atin ay mayroong personal na responsibilidad at tungkulin para umiwas na magkasakit. Kung sinuman ang dapuan ng Covid-19, kasalanan niya na ito dahil hindi niya pinangalagaan ang kanyang sarili kaya kasalanan niya kung magkakasakit siya at—huwag naman sana—bawian ng buhay dahil sa kanyang kapabayaan.
Sa madaling salita, panahon para tayo ay magkanya-kanya para makaiwas sa sakit!
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!