Advertisers
PINAG-IBAYO ni Cavite PNP Provincial Director P/Col. Marlon Santos ang kampanya kontra-kriminalidad sa lalawigan ng Cavite, kaya umabot sa 92 katao ang naaresto ng kapulisan sa mga siyudad at bayan sa naturang lalawigan.
May 22 sangkot sa kalakalan ng droga ang nadakip sa magkakasunod na drug buy-bust ng kapulisan sa mga siyudad ng Cavite, Dasmariñas, Imus, Bacoor, General Trias, Tagaytay City at mga bayan ng Naic, GMA, Indang, Tanza, Kawit, Silang, Maragondon at Alfonso noong September 11-12, 2020. May 55 quarantine violators din ang dinakip.
Kabilang din sa mga nasakote ay ang retired policemen na naging No. 1 most wanted criminal ng Cavite na si Virgilio C. Obogme ng bayan ng Tanza. Si Obogme na may kasong murder ay nasorpresa ng mga pulis sa kanyang hide-out sa Brgy. Sahod Ulan ng nasabing bayan.
Ang No. 3 most wanted criminal naman, na si Manny I. Capili at may kasong Robbery ay nalambat sa Brgy. Sampaloc 2, Dasmariñas City.
Di rin nakaligtas ang suspected rapist na si Bonifacio A. Sora, ng bayan ng Maragondon. May kasong rape (3 counts) sa korte si Sora nang ito ay magtago ngunit nasundan ng Cavite PNP operatives sa Brgy. San Nicolas, Iriga City.
Iba’t-iba pang mga kaso ang nalutas ng mga tauhan ni PD Santos kabilang na ang mga usaping Lasciviousness Act, Qualified Theft, Attempted Homicide, Estafa at maging Violation of RA 9262 (Violence against Women and Children).
Saludo tayo kay Col. Santos at sa mga hepe ng mga siyudad at bayan na ating nabanggit, dangal sila at maipagmamalaki ng kapulisan, ng kanilang mga alkalde at Cavite Governor Jonvic Remulla.
Ngunit kung gaano kataas ng pagpapahalaga natin sa mga masisipag na hepe at operatiba ni Col. Santos ay kabaligtaran naman ang ating pananaw kay Carmona Municipal Police Chief, P/Maj. Diana DC Del Rosario.
Naturingan pa namang lady cop si Del Rosario, ngunit tila kinakaangan nito ang peligrosong operasyon ng burikian ng isang alias Bokal Cholo ng Bulacan at alias Amang Kupal sa Brgy. Bancal ng nasabing munisipalidad.
Ang Brgy. Bancal ay di naman lubhang kalayuan sa tanggapan ni Major Del Rosario sa Loyola Street, Brgy. Naduya ng bayan ng Carmona, ngunit dedma lang at walang aksyon si Maj. Del Rosario.
Si kanang-kamay ang katiwala ni Bokal Cholo, tagapamili ng nakaw na produktong petrolyo at Liquified Petroleum Gas (LPG) sa mga tsuper ng mga tanker truck na nagdaraan sa kuta ng sindikato sa Brgy. Bancal. Siya rin ang tagapamudmod ng intelhencia, suhol, o lagay sa mga ilang mga korap na pulis, local, provincial at national officials kaya nga “untouchable” ang pilferage activities ni Bokal Cholo.
Napakatagal na rin ng operasyon ng burikian nina Bokal Cholo at Amang Kupal sa Carmona ngunit lalong naging talamak ang kanilang operasyon simula nang maluklok na Cavite PD si Santos.
Kahit sa panahon ng ECQ lockdown simula noong March 17, 2020 ay hindi nagawang sugpuin ni Del Rosario ang iligal na gawain nina Bokal Cholo at Amang Kupal.
Hindi tayo karakang maniwala sa pinalulutang ni alias Amang Kupal na si Col. Santos ay kumpare ni Bokal Cholo, na bukod nga sa milyonaryo at bigating politiko, buriki operator ay financier pa rin ni Amang sa kalakalan ng droga sa Cavite at Bulacan.
Sa paihian nina Bokal Cholo at Amang Kupal iniimbak ang sangkaterbang droga na inaangkat ni Amang Kupal sa mga big-time na shabu suppliers sa Pasay City at Brgy. Datu Ysmael sa Dasmariñas City.`
Pinag-aaralan natin kung paanong magkakaroon ng kawing si alias Bokal Cholo kay Col. Santos, gayong ang magiting na colonel ay miyembro ng Class 1998 Philippine National Police Academy (PNPA) at mahigpit na tumatalima sa kautusan ng kanyang superior na si Region 4-A PNP Director Vicente Danao, Jr.?
Malayo sa ating hinagap na tumatanggap ng lagay si Col. Santos kina Bokal Cholo at Amang Kupal, siya ay biktima ng name-dropping nina alias Bokal Cholo at Amang Kupal. Kaya para patunayang walang koneksyon si Col. Santos kina Bokal Cholo ay agaran na nitong ipa-raid ang burikian at pasingawan sa Brgy. Bancal, sa bayan ng Carmona..
Tiyak na bukod sa nakaimbak na nakaw na produktong petrolyo ay maraming matataas na kalibreng baril at shabu ang makukumpiska ng mga tauhan ni Col. Santos sa kuta nina Bokal Cholo at Amang Kupal.
Ang suhestiyon natin kay Col. Santos, ay mapagkakatiwalaan at di masusuhulang operatiba ang gamitin nito sa raid sa kuta nina Bokal Cholo at Amang Kupal para di magkaroon ng leak ang police operation?
Ito na ang tamang pagkakataon para patahimikin ni Col. Santos ang mga kritiko at mapabulaanan ang ulat na kumpare nito si Bokal Cholo kaya di matinag ang labag sa batas na gawain ng Mamang Bokal na iligalista at Amang Kupal sa Carmona. May ilang high-ranking PNP officials sa Region-A Offices at maging sa tanggpan ni Governor Rermulla na patong kina Bokal Cholo at Amang kaya tila pader na di matinag ang kanilang operasyon.
PATUPADA NI KAPITAN, IPINAGYAYABANG SI GENERAL DANAO JR.!
TIYAK na uusok ang teynga at ilong ni PNP Region 4-A Director Vicente Danao, Jr., kapag nakarating sa kaalaman nito na ginagasgas ng isang barangay chairman sa bayan ng Balayan, Batangas ang kanyang pangalan.
Personal mente ay di tayo naniniwala sa mga ibinibibida ni Brgy. Chairman na kaibigan nito si General at malimit siyang bumibisita sa tanggapan ng disenteng heneral sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Dahil sa hindi raw siya matatanggihan ng heneral, nang makiusap si chairman na magpa-patupada sa kanyang barangay ay binigyan agad siya ng “go signal” ni General.
Kaya naman di mapigil nina P/Capt. Jeffrey Dallo at Balayan Mayor Emmanuel JR. Fronda ang kalokohan ni Chairman sa araw-araw na pagpa-patupada sa Brgy. Sucol. Natural na takot ang mga ito kay General Danao Jr.
Marami tayong text message at telephone call na reklamo kay Kapitan, kaya napilitan na nating iparating kay General Danao Jr., sa pamamagitan ng ating pitak ang mga kabalbalang ito ni Brgy. Chairman.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com