Advertisers

Advertisers

3 hakbang sa estriktong mask-wearing policy, inilatag ni Sen. Go

0 316

Advertisers

Inilatag ni Senator Christopher “Bong” Go ang tatlong hakbang na kailangan sa estriktong pagpapatupad ng polisiya sa pagsusuot ng face mask sa gitna ng COVID-19 pandemic at ito ay ang “Bayanihan, suporta sa kabuhayan ng mga kababayan, at malasakit sa mga mahihirap at pinakanangangailangan.”

Kaugnay nito, umapela si Go sa Executive department na tiyakin ang pagtutulungan ng public at private sectors sa promosyon ng pag-iimplementa ng mahigpit na mask-wearing policy, pagsuporta sa local industries na gumagawa ng face masks, at pagtiyak ng gobyerno na mabibigyan ng masks ang mahihirap at vulnerable sectors na walang kakayahang bumili nito.

“Magbayanihan tayo, suportahan natin ang kabuhayan ng ating mga kababayan, at magmalasakit tayo sa mga pinakanangangailangan. Ito ang tatlong mga bagay na dapat natin laging tandaan,” ang diin ng senador.



“Dahil inobliga natin ang lahat na magsuot ng masks upang matigil ang pagkalat ng COVID-19, obligasyon rin nating mga nasa gobyerno na siguraduhing lahat ng mga Pilipino ay may kapasidad na makakuha ng mask na isusuot para sa kanilang proteksyon. Parte ‘yan ng bayanihan,” aniya.

Iginiit din niya sa pamahalaan na mag-estabilisa ng mga panuntunan para sa paggawa at pamamahagi ng masks kasunod ng naunang implementasyon ng programa na pamimigay ng libreng locally-made masks sa poorest of the poor at sa most vulnerable households.

“Siguraduhin nating sapat ang supply ng masks. Tulungan natin ang mga lokal na industriya na gumagawa nito para rin mabigyan ng kabuhayan ang ating mga kababayan,” paliwanag ni Go .

“Wearing masks can save lives while buying locally made masks can save jobs,” aniya pa.

Anang mambabatas, dapat mas maging proactive sa pagpapatupad ng mask-wearing policy sa pamamagitan ng pag-unawa at pagpapakita ng awa sa pangangailangan ng mahihirap.



“Maging mas proactive tayo at magmalasakit sa mga mahihirap. Kung walang pambili ng mask, bigyan dapat ng libreng mask para lahat ay makapag-comply sa stronger mask wearing policy,” ani Go.

Aniya, inoobliga magsuot ng masks ang mahihirap kahit halos wala silang pambili ng pagkain kaya dapat lang na bigyan sila ng libreng masks para makasunod sa patakaran at maprotektahan ang kanilang sarili.

Pinaalalahanan din naman niya ang publiko na ang pagsuot ng mask ay pangunahing paraan upang proteksyunan ang sarili at bilang pagrespeto o pagbibigay konsiderasyon rin sa kapwa tao.

Huwag aniyang balewalain ang simpleng patakaran na ito na makakapagligtas ng buhay ng kapwa natin Pilipino. (PFT Team)