Advertisers
AABOT sa 290 counts ng vote-buying ang isinampa sa Quezon City Prosecutors Office laban kay QC Fifth District congressional candidate Rose Lin.
Sa ilang pahinang reklamo na isinampa nagpapatuloy umano ang talamak na bilihan ng boto sa District 5, Quezon City sa kabila ng umuusad nang imbestigasyon sa Commission on Elections (Comelec) laban sa akusado.
Nabatid sa sinumpaang salaysay ng mga complainant na binubuo ng mga indibidwal sa ilalim ng samahang Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches, itinatago umano ng kampo ni Lin sa katagang ‘ayuda’ at ‘scholarship’ ang pamimili ng boto.
Ayon kay Sarah Villalino ng grupong Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches nadagdagan pa umano ngayon ang modus ng malawakang vote-buying. Sa mga bahay-bahay na umano ng mga tinaguriang lider ni Lin nagaganap ang krimen.
Sinabi pa umano ng mga witness na kasama sa mga inihabla ang siyam pang “kasabwat” ni Lin.
Ang iba sa kanila ay mga nakaluklok na barangay kagawad ng Distrito 5 na inaakusahang pumapayag gawing kuta, lungga o kubol ang kanilang mga bahay sa pagbibili ng boto.
Samantala, nauna nang nagpahayag si Comelec Commissioner George Erwin Garcia na agad nitong ipapa-subpoena ang mga nasasakdal para masimulan na ang pormal na imbestigasyon.
Ayon kay Garcia, magsisilbing babala ang kasong isinampa kay Lin sa iba pang magtatangkang bumili ng boto.
Kaugnay nito nagbaba naman ng marching order si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga field at regional officer ng National Bureau of Investigation na i-monitor ang mga pagtitipon na patawag ng local candidates para mahuli sa akto ang mga bumibili ng boto.
Matatandaan na nauna nang napabalita ang isang senior citizen na isinugod sa ospital na kinalaunan ay sumakabilang buhay dahil sa kanyang pag-pila sa vote-buying ni Lin sa halagang limandaang piso.
Si Lin ay asawa ni Lin Weixiong na tinaguriang financial manager ng maanomalyang Pharmally.
Nasasangkot din umano dito si Lin na may nakabinbin na warrant of arrest dahil sa kanyang pag-iwas sa mga pagdinig ng sena-do.
Siya ay tumatakbong independent matapos itong patalsikin ng LAKAS-CMD ng BBMSara Uniteam.