Advertisers

Advertisers

MORE POWER KINASTIGO SA “PAGPAPATAHIMIK” SA ILOILO CONSUMERS

0 326

Advertisers

KINONDENA ng Ilonggo consumer advocacy group na Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) ang pinakahuling taktika ng MORE Electric and Power Corporation (MORE Power) na pagbuo ng isang bagong grupo na kapangalanan ng KBK at malinaw na naglalayong linlangin at “patahimikin” ang mga consumer.

Sa virtual press conference nung Sabado, Sept. 12, sinabi ni KBK coordinator Allen Aquino na ginagamit ng MORE Power KBK, sa pamamagitan ng kanilang presidenteng si Halley Alcarde, ang plataporma ng tunay at orihinal na KBK upang lituhin ang publiko at patahimikin sa kanilang mga reklamo.

Ipinakita rin ni Aquino sa kanyang presentasyon ang tapatang larawan ng Facebook page ng kanilang totoong KBK at ng MORE Power KBK kungsaan malinaw na makikita ang petsa ng paggawa sa nasabing FB pages. Ang totoong KBK Facebook page nina Aquino ay nagsimula Hunyo 24 at mayroon nang 138 aktibong miyembro. Makikita rin dito ang mga posts at video ng iba’t ibang engagements ng grupo sa mga Iloilo consumers simula pa noong Hunyo.



Sa kabilang banda, ang MORE Power KBK ay nito lamang Agosto 28 nagkaroon ng FB page na mayroon lamang 31 miyembro. Ito ang nagpapatunay na higit na mas nauna ang KBK nina Aquino kaysa sa bagong sulpot na MORE Power KBK.

“Ang MORE’s fake KBK, yung intention talaga is to silence us, para mawawala yung reklamo kay MORE, so yun lang talaga ang pure intention nila,” sabi ni Aquino. “Hindi nila pwede ipatahimik ang consumers ng Iloilo, nakaumpisa tayo noon pa, hanggang ngayon, hanggang sa future,” ani Aquino.

Nagpahayag ng paniniwala si Aquino na binuo lamang ang MORE Power KBK at inirehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) makaraang isiwalat ng totoong KBK ang dumaragsang reklamo ng Iloilo consumers laban sa tuluy-tuloy na brownouts, sobrang singil sa kuryente at pangkalahatang hindi maayos na serbisyo.

Sinabi pa ng KBK na aktibong “pinatatahimik” ng MORE Power KBK ang mga consumer upang pagtakpan ang sobra-sobrang systems loss charges na kanilang ipinapasa sa mga consumer kahit pa ito ay lampas sa itinakdang 6.25% na cap ng Energy Regulatory Commission (ERC). Dahil dito, humihingi ang mga consumer ng refund na mahigit P20-M mula sa MORE Power.

Nagpakita rin si Aquino ng mga larawan at news clippings na nagpapakita sa malapit na ugnayan ng mga opisyal ng MORE Power at ng tumatayong presidente ng MORE Power KBK na si Alcarde.



“Maraming ebidensiyang magpapatunay na ang MORE Power KBK ay binubuo ng mga taong alam naman ng lahat na pro-MORE Power at hindi kumakatawan sa mga consumer,” ani Aquino.

Sa kabilang banda, inihihayag ni Aquino ang mga ginagawa nila bilang tunay na KBK upang protektahan ang interes at kapakanan ng Iloilo City consumers.

“Pumupunta kami sa bawat barangay at kinakausap namin ang mga tao,” sabi ni Aquino. “Pinapakinggan namin ang kanilang mga complaint at fino-formalize ito. Ang ginagawa lang ng MORE’s false KBK ay propaganda. Hindi nila sinasabi ang totoo, pinagtatakpan pa nila ang reklamo ng mga customer.”

Dahil dito, nakatakdang magsampa ang liderato ng totoong KBK nina Aquino ng pormal na reklamo sa SEC laban sa MORE Power KBK.

“Mayroon kaming track record at documentation at makapagbibigay din kami ng testimonials mula sa consumers na magpapatunay na kami ang orihinal at tunay na KBK,” ani Aquino.

“Magpapatuloy kami bilang tunay na KBK upang protektahan ang interes at kapakanan ng mga electric consumers ng Iloilo,” dagdag pa ni Aquino.