Advertisers

Advertisers

ISKO, NAGPASALAMAT SA PUBLIKO SA MAAGANG PAGDALAW SA SEMENTERYO

0 332

Advertisers

PINASALAMATAN ni Manila Mayor Isko Moreno kahapon ang publiko, lalo na ang mga taga-Maynila sa pagtugon sa kanyang panawagan na maagang bumisita, maglinis at mag-ayos ng puntod ng kanilang mahal sa buhay dahil sa nakatakdang pagsasara ng mga sementeryo publiko man at pribado sa lungsod mula October 31 hanggang November 3, nang may mahigpit na paalalang sundin ang mga itinakdang health protocols.

Ang pahayag ni Moreno ay ginawa matapos na mabatid mula sa mga administrators ng dalawang city-run cemeteries na sina Yayay Castaneda ng Manila North Cemetery (MNC) at Jess Payad ng Manila South Cemetery (MSC), na nagsisimula ng magtungo ang mga tao sa nasabing sementeryo upang maglinis, mag-ayos sa puntod ng kanilang mahal sa buhay sa kabila na malayo pa ang selebrasyon ng Undas.

Ipinaalala ng alkalde sa mga dadalaw at maging sa mga makikipaglibing sa sementeryo kabilang na ang hindi taga-Maynila na sumunod sa lahat ng health protocols na mahigpit at istriktong ipinapatupad ng pamahalaan. Kabilang dito ang temperature checks, pagsusuot ng face masks at face shields, physical distancing at pagbabawal sa mga senior citizens at sa mga below 20 years old na makapasok sa sementeryo.



Idinagdag pa ni Moreno na ipinagbabawal ang pagdadala ng deadly weapons, intoxicating beverages, gambling paraphernalia at loud speakers.

Sinabi naman ni Castaneda na bukas sa lahat at sa libing ang MNC na siyang pinakamalaking sementeryo sa bansa hanggang October 30, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., Monday hanggang Sunday. Bawal pumasok ang anumang sasakyan sa loob at gayundin ang mga vendors.

Para sa libing naman ay nabatid na tanging ang karo ng patay lamang ang papayagan sa loob at hanggang 30 lamang ang puwedeng pumasok.

Bukas naman ang MSC araw-araw sa loob ng isang linggo mula 7 a.m. hanggng 5 p.m., ayon kay Payad.

Matatandaan na inutos ni Moreno na ang lahat ng pribado at pampublikong sementeryo, kolumbaryo sa Maynila ay pansamantalang isara mula October 31 hanggang November upang maiwasan ang pagdagsa at kumpulan ng tao sa paggunita ng ‘Undas’ at upang maiwasan din ang posibleng transmisyon ng coronavirus.



Dahil sa inisyatibo ni Moreno ay gumaya na rin ang ibang lungsod at munisipalidad sa bansa. (Andi Garcia)