Advertisers
NAKATANGGAP ng suporta mula sa kanyang kapwa ‘Thats Entertainment’ cast, Tony Award winner at international star Lea Salonga ang kampanya ni Manila Mayor Isko Moreno na mapaunlad muli ang mga lokal na negosyo sa lungsod, lalo na ngayong maraming pamilya na ang matinding naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ipinahayag ni Salonga ang kanyang suporta sa “Manila Support Local” campaign ng lokal na pamahalaan at iniendorso ang nalalapit na “Manila Restaurant Week” sa weekly Facebook Live program ni Moreno na “The Capital Report.”
“Napansin ko may mga restaurant sa amin na sarado, na walang mga pumapasok na mga customer; so I felt that it is important to support whatever effort na meron para ang mga negosyante ay matulungan,” ani Salonga sa alkalde.
“It is important na kahit papaano makatulong, to help encourage businesses, to help businesses stay open. Kasi right now I think everybody is hit financially, economically, maraming mga negosyo na talagang natatamaan dahil sa pandemya, di na sila napupuntahan,” ayon sa mang-aawit.
Pinasalamatan naman ni Moreno si Salonga dahil sa pagsuporta sa kanyang inisyatiba.
Tiniyak din ng alkalde na ginagawa nila ang lahat upang mapaunlad muli ang ekonomiya ng lungsod.
Inianunsiyo na rin ng alkalde na si Salonga ang magiging espesyal na panauhin nila para sa grand launch ng “Manila Restaurant Week” ngayong linggong ito.
Inaasahang aawitin ng singer ang kanyang orihinal na kantang ‘Dream Again’ sa naturang aktibidad.
“Kami po talaga in our own little way, we try to support our local businesses in the City of Manila. If there’s business, there is employment. Basta patuloy kayong sumunod sa alituntuning pinapatupad ng DOH at ng inyong Manila Health Department,” anang alkalde.
Ang Manila Restaurant Week ay pormal na magsisimula sa Setyembre 20 hanggang Setyembre 27, at layunin nitong i-promote ang mga restaurants sa Maynila at tulungan ang mga may-ari ng mga ito na mapaunlad muli ang kanilang mga negosyo. (Andi Garcia)