Advertisers
SUPORTADO ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go ang panukala na nagtitiyak sa proteksyon ng mga freelance workers tulad ng mga regular workers.
Ang Senate Bill No. 1810 o panukalang Freelancers Protection Act na isinulong nina Senators Joel Villanueva at Bong Revilla ay naglalayong mabigyan ng pantay na proteksyon ang mga freelance workers sa bansa.
Sinabi ni Go na ang pagiging freelance ay mabisang paraan ng pagkita lalo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic kaya naman panahon nang magkaroon ng batas na kikilala sa kahalagahan ng industriya at pangangailangang matiyak na hindi maaabuso ang mga freelancers.
Binigyang-diin ni Go na dahil sa pandemya, maraming kumpanya ang nagsara kaya maraming nawalan ng trabaho kaya isa sa mga paraan ng pagkita ay ang pagiging freelance.
Dagdag ni Go, ito ang paraan para matiyak na protektado ang karapatan at kapakanan ng mga freelancers.
Giit pa ni Go kahit walang pandemya ay naging alternatibo na ng traditional employer-employee work ang freelancing.
Inihayag pa ni Go na hindi dapat matali sa lumang sistema ng pagtingin ng batas sa pagkita ng pera. (Mylene Alfonso)