Advertisers

Advertisers

Covid update: 286 gumaling, 26 nasawi, 3,281 bagong kaso

0 357

Advertisers

UMAKYAT na sa mahigit 185,000 ang kabuuang bilang ng mga pasyente na gumaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa case bulletin no. 178, iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng panibagong 286 COVID-19 recoveries kaya umabot na sa kabuuang 185,178 ang mga gumaling sa nakamamatay na sakit.
Samantala, nakapagtala muli ang DOH ng 3,281 bagong kaso ng COVID-19 hanggang 4:00PM nitong Martes, Setyembre 8, sanhi upang umakyat na ngayon sa 241,987 ang total COVID-19 cases.
Inaasahan namang tataas pa ang naturang bilang dahil ang naturang ulat ay mula lamang sa 81 ng kabuuang 115 operational laboratories ng DOH.
Anang DOH, nasa 34 na laboratoryo pa nila ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS).
Ayon sa DOH, sa ngayon ay nasa 52,893 pa ang itinuturing nilang active cases ng COVID-19 sa bansa kung saan 88.6% ang mild cases; 8.2% ang asymptomatic; 1.3% ang severe cases at 1.9% naman ang critical cases.
Pinakamarami pa rin naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR) na nasa 1,420; Cavite na may 263; Negros Occidental na may 204; Laguna na may 197 at Rizal na may 196.
Umabot naman sa 3,916 ang kabuuang Covid-19 related deaths dahil sa karagdagang 26 na pumanaw.
Sa mga namatay, 14 ang binawian ng buhay nitong Setyembre; 8 noong Agosto; at apat noong Hulyo.
Siyam sa mga namatay ay mula sa NCR; 4 sa Region 7; 3 mula sa Region 4A; tig-2 mula sa Region 9, Region 11, at Region 4B; habang tig-isa naman sa Region 5, Region 6, at Region 8.
Sa kabilang dako, iniulat naman ng DOH na mayroon rin silang 21 duplicates na inalis mula sa total case count, at sa nasabing bilang pito ang tinanggal na recovered cases.
Mayroon din namang pitong kaso na unang iniulat na nakarekober ngunit sa pinal na balidasyon ay nakumpirmang binawian na pala ng buhay. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)