Advertisers
TINIYAK ng Department of National Defense (DND) na hindi nila isasama sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti- Terror Law ang pag-regulate sa social media.
Ito ang tugon ni DND Sec. Delfin Lorenzana sa tanong ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa budget hearing sa Kamara nitong Martes, Sept. 8, tungkol sa naturang isyu.
Nilinaw ni Lorenzana na lilimitahan lamang ng binubuo nilang IRR ang mga nakasaad na probisyon sa ilalim ng Anti-Terror Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 3.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff Lt.Gen. Gilbert Gapay na hindi pa tapos ang pagbalangkas sa IRR ng Anti-Terror Law.
Aminado si Gapay na kanilang inirekomenda ang pagsulong na ma-regulate ang mga social media platforms mismo at hindi ang mga taong gumagamit nito.
Nanawagan ang DND sa mga social media platforms na harangin agad ang mga contents na inilalabas ng global terror network na madalas nangre-recruit sa mga kabataan na madaling gawing radikal. (Josephine Patricio)