Advertisers
BALAK na rin silipin ng House of Representatives ang pinasok na investments ng mga government financial institution o GFI.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, bahagi ito ng kanilang pagtitiyak na hindi malulustay o masasayang ang pondo ng mga GFI kasunod na rin ng kinahaharap na isyu ng PhilHealth.
Aniya, maigi na masilip at mabantayan na rin ang lahat ng GFI tulad ng SSS, GSIS at PAG-IBIG upang masiguro at makita kung paano ba ginagastos o pinamamahalaan ng mga ahensya ang pondo at nang hindi matulad sa PhilHealth.
Samantala, sinabi rin ng lider ng Kamara na bagama’t hindi humihingi ng emergency powers ang Pangulong Duterte para matutukan ang PhilHealth ay nais aniyang tumulong ng mababang kapulungan na mabantayan ang mga papalit na opisyal dito.
“Ang laki ng pera ng PhilHealth, biglang mabubulaga tayo isang umaga na sabihin, ilang buwan na lang o isang taon na lang maba-bankrupt na sila,” diin ng mambabatas. (Henry Padilla)