Advertisers

Advertisers

Pasaheng abot langit

0 1,496

Advertisers

PATULOY ang kalbaryo ni Mang Juan sa mga gastusin sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Hindi maabot ng kamay ang mahal na bilihin sa kapiranggot na kinikita, mula sa arawang sahod o kita. Walang lugar sa buhay na makatikim ng kariwasaan na kahit minsan mula ng isilang hanggang sa kasalukuyan. Ang hindi sumasalang pagtaas ng halaga ng petrolyo ang pirmihang dahilan sa pagtaas ng halos lahat ng bilihin na may kinalaman sa kabuhayan ng Pinoy. Sa pagtaas ng presyo bilihin, partikular ang petrolyo, hindi na magkandaugaga ang Mamang Tsuper sa pamamasada upang maibalik man lang ang krudong nakunsumo para sa araw ng pamamasada.

At kailangan pang mamasada para sa boundary at pang-uwi para sa pamilya. Ang mabigat na pasaning ito, hindi gumagalaw ang hinihinging umento sa pasahe na nagbibigay sa kanila ng lugar upang kahit konti makaipon sa kinabukasan. Ooops nariyan ang iba’t – ibang uri ng buwaya na sumesenyas na tumabi si Mamang tsuper na tila may nagawang paglabag sa batas ng pamamasada o trapiko. Eh yun pala manghihingi lang ng pangmeryenda. Paano na ang pang-uwi sa hapunan ng pamilya, uutang na muna sa suking karinderya at sa kinabukasan ang bayaran.

Ang kalagayang ito’y tila lingid sa kaalaman ng ilang ahensya, lalo ang DOTr. LTO, LTFRB, at MMDA na sa halip na padaliin ang mga panuntunan sa pamamasada’y ginagawan pa ng paraan kung paano mahihirapan si Mamang Tsuper at siyempre ang pamilya nito. O hindi inuunawa ang kalagayan ng Mamang Tsuper sa kadahilanang sila lang ang may alam. Sa katunayan may mga kautusang inilabas ang ahensya ni Thirdy Degra na panuntunan sa paglalabas ng mga pampasaherong sasakyan, tulad ng jeep, city bus at ng provincial buses upang isaayos ang takbo ng mga ito.



Sa halip na umige ang kaayusan ng mga pumapasadang sasakyan sa kakalsadahan at lumaki ang kita ni Mamang Tsuper tila naging palabigasan ito ng mga nangangasiwa ng trapiko. At dumami ang paglipana ng mga kolorum na sasakyan na siyang dahilan ng pagbagsak ng kita ng mga lehitimong tsuper na hindi na malaman kung saan pupulot ng pasahero’t kita sa maghapon. Tunay na ‘di mabatid ng mga namumuno ng mga ahensyang ito ang sitwasyon ng mga lehitimong tsuper na harimunan ang kalagayan o sadyang may pinapaboran?

Bigyan pansin ang mga ruta ng mga bus galing sa kaMaynilaan patungo sa iba’t – ibang bahagi ng Luzon partikular sa Gitna at Hilagang Luzon. Mapapansin na tila hinati – hati ang takbo ng mga ito hindi upang maiayos ang kagalingan ng mga mananakay kundi upang masabing magka silbi ang NLET o Northern Luzon Exchange Terminal na itinayo malapit sa D Arena. Sa kaayusang ito, pinahaba ang oras at paghihintay ng mananakay sa paglalakbay tungo sa lugar na pupuntahan o sasapitan. Maging ang gastos sa pagtungo sa lugar na nais puntahan ay dumoble.

Sa dami ng salin sa paglalakbay nahihilo ang mga mananakay at nagtatanong kung bakit naging ganoon ang takbo ng kanilang viaje. Ang paglipat muna sa unang sinakyan patungo sa isa o dalawang salin ang kulang ang isang araw upang marating ang ibig marating. Ubos na ang oras, ubos pa ang kaperahan sa salin at hindi pwedeng hindi kakain sa mahabang viaje pauwi sa lugar na nais. At kung ibig ng diretsong viaje putungo sa dulo ng destinasyon, maghanda ng malaking halaga dahil tiyak na presyong langit ang singilan lalo’t point to point ang babaan.

Sa pagmamadali, asahan ang masasakya’y kolorum na doble o triple ang halaga ng pamasahe. Na ipinagmamalaki na hindi mahuhuli ng mga kagawad trapiko gayong wala itong linya sa pamamasada sa mga rutang patutunguhan. Parang naka timbre sa mga traffic enforcer saan man dako ng Luzon, lalo sa Hilagang bahagi. Ang siste eh kung magka aberya ang sasakyan at huwag naman po sana, dahil hindi sakop ng insurance ang mga ito at bahala ka sa gastusin sa pagpapahospital o kung ano. Samantala, sa mga sasakyang may rotang tatakbuhin, sakop ito ng insurance at nakakatiyak ka sa danyos na sasagutin ng mga lehitimong sasakyan ng viajeng nais.

Ang karagdagang sakit, malaki ang nawawalang kita sa mga lehitimong Mamang Tsuper na pumapasada sa viajeng tinatakbo ng kolorum dahil sa halip na sa kanila sumakay, nakukuha ito ng mga iligal na viajero. Sa totoo lang, tila halaga ng pag-eroplano ang halaga ng pamasahe sa mga kolorum na tumatakbo saan man sa Luzon. At ang nawawalang kita ng Mamang Tsuper ay kawalan ng makakain at maaaring pagtigil sa pag-aaral ng mga anak nito. Mag-isip Thirdy at Tugs.



Sa kaayusang ito, tila walang ginagawa si ThirDy upang maayos ang kaganapan ng mga bumiviajeng bus sa Hilagang Luzon. Mapapansin na bawas ang mga ito na dating naglipana sa kaMaynilaan na siya nitong mga terminals. At ang mga mananakay kailangang lumabas ng kaMaynilaan patungo sa terminal na itinalaga ng kagawaran o ng LTFRB. O sadyang may utos ng nasa itaas upang magamit ng mga bus ang NLET o gustong mapasaya ang kung sino. Hindi na kailangan na pag-isipan kung sino ang nais mapagbigyan. Kung mapunta sa lugar masasagot ang tanong sa isip kung sino ang napaboran sa kautusan.

Sa totoo lang, ang pagpasok sa NLET na malapit sa D Arena ang nagpahina ng pasada ng mga provincial buses na nagpahina sa kita ni Mamang Tsuper. Ilang ulit ng nagpaabot ang mga lehitimong operator maging ang mga tsuper ng pagtutol sa kaayusang ito, pero nagtengang kawali si Tugs at ThirDy sa ngalan ng pakikisama. Di bale si Mamang Tsuper huwag lang ang nakiusap na langkay ang dami ng taga sunod.

Sa kabilang banda sa usapan ng mga terminal sa kaMaynilaan, lalo ang mga pinasara umabot sa usapin na dininig ng korte at napagwagian ng mga nagpetition. Subalit ang panalo’y sa papel lamang na ‘di pa man nagsisimula ang kautusan ng korte, nariyan na ang bagong kautusan ng IATF na kahalintulad ng sa DOTr na nagbabawal na magterminal ang mga provincial bus sa kaMaynilaan sa ngalan ng health protocol. Na nagbalik sa pahirap sa mga mananakay at sa Mamang Tsuper at ang pakinabang ay sa iilan na hindi lehitimo ang takbo ng mga sasakyan. Hindi inaalis na kumita ang mga tsuper ng mga sasakyang walang prangkisa, subalit ang pagsunod sa batas ang dapat sundin at huwag maki pagkontsaba sa mga buktot sa pamahalaan na ayaw magkaroon ng kaayusan sa kakalsadahan.. Ang pagpabor sa mali’y huwag gawin o tularan sa halip ito’y iwaksi ng tuluyan. Huwag itaya ang dignidad sa konting kita lalo sa kaayusang panlipunan. Itaguyod ang tama na magdadala sa bayan sa kaunlarang pangkalahatan…

Maraming Salamat po!!!