Advertisers
MAGKAISA ang patakaran ng kauupong PNP Director General, Camilo Pancratius Cascolan at Deputy Chief for Administration P/LtGen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar na gamitin ang social media sa pagtukoy sa mga lumalabag sa quarantine health protocols.
Maaring maging batayan ang mga lumalabas sa social media tulad ng mga larawan sa Facebook page, videos sa closed circuit television at dash – cams na kuha sa mga lansangan, pampublikong lugar at iba pa para sa pagsasampa ng kaso sa mga matatagpuang lumalabag sa alintuntunin ng pamahalaan para labanan ang pandemyang COVID-19.
Iisa rin ang pananaw ng dalawang PNP top honchos, na kailangan din ang masusing pagsubaybay sa social media para matukoy ang mga lumalabag sa health protocols maging ang mga ito ay kanilang mga kabaro.
Paninindigan din nina Cascolan at Eleazar na hindi lisensya o pribiliheyo ang pagiging pulis o tagapagpatupad ng batas para malayang suwayin ang pangkaligtasang patakaran sa giyera kontra COVID-19.
Maraming lumalabas sa social media na mga tandisang paglabag sa health protocols tulad ng mga larawan ng mga matitigas ang ulong taong bayan at maging ng mga kilalang personalidad na maaring gamiting ebidensya para warningan, ipatawag at patawan ng multa ang mga lumabag, ayon pa kay Eleazar.
May mga larawan din na naipapakita sa social media na ini-upload ng mismong mga netizen ang kanilang mga dinadaluhang piging at pagdiriwang, pag-iinuman ng alak sa harap ng katotohanang paglabag ito sa ilalim ng community quarantine.
Ang pag-inom ng alak ay mas may mabigat na parusa lalo na sa mga komunidad na nagpapatupad ng liquor ban, sinabi rin ni Eleazar.
Lahat na police commanders at maging ang mga tauhan ng mga ito sa buong bansa ay inatasan na ni Eleazar bilang Joint Task Force Shield Commander na palagiang mag-monitor ng social media para makilala ang mga lumalabag sa community quarantine.
“Kailangan natin ang koordinasyon at pakikipagtulungan ng mga kinauukulang opisyales ng barangay upang makilala ang mga “lumalabag,” ani Eleazar.
Kinumpirma ni Eleazar na lumilitaw sa datus na may mahigit sa 365,000 katao na ang nabalaan, pinagmulta at nasampahan ng kaso kaugnay sa paglabag sa quarantine protocols simula noong March 17, 2020.
Kapwa nanawagan sina Cascolan at Eleazar sa mga mamamayan na huwag mangiming magbigay ng ulat sa PNP hinggil sa mga paglabag sa quarantine standards maging sila man ay mga pulis.
“Patutunayan ko na ang lahat na nagpapatupad ng batas ay kailangang sila mismo ay disiplinado at dapat na sumunod sa ipinaiiral na reglamento,” ang mariin namang pahayag ni Cascolan.
Nakasisiya na malaman na ang pinakamatataas na pinuno ng PNP sa kapulisan ay magkasang-ayon sa polisiya at patakaran sa pagpapatupad ng batas.
May katiyakan namang susunod kina Cascolan at Eleazar ang kanilang hanay hanggang sa pinakamababang miyembro ng PNP.
Magsisilbi namang babala ito sa mga pasaway na mamamayan at maging sa kapulisan at iba pang sektor na sundin ang mga naaayong health protocols para maiwasan ang parusa lalo’t higit ang pagkahawa sa nakamamatay na virus.
Magiging bukas din ang kamalayan ng mga Pinoy na tumalima sa batas pagkat batid ng mga ito na masugid na nagmamanman ang mga kapulisan at iba pang awtoridad sa tulong ng iba pang opisyales ng pamahalaan, barangay sa bisa ng teknolohiya at social media.
Ito ang kagandahan ng pagsusuportahan ng PNP hierarchy, pagkakaisa at pagsunod sa doktrina ng chain of command at seniority sa hanay ng kapulisan…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com