Advertisers

Advertisers

Ang stadium ni Jose!

0 423

Advertisers

Halos 10,000 na mga locally-stranded individuals (LSIs) ang nagkumpulan sa Rizal Memorial Stadium nitong nagdaang mga araw habang naghihintay ng kanilang mga sasakyan pauwi ng kani-kanilang mga lalawigan.

Ginawa kasing holding area para sa LSIs ng gobyerno ang sports complex na ipinangalan kay Dr. Jose Rizal.

Hindi raw inakala ng namahalang si ASec Joseph Encabo ng Presidential Management Staff (PMS) na ganoon karaming probinsyano ang dudumog sa kanila.



Ginamit na raw nila ang football area at baseball field pero kapos pa rin kaya hindi nasunod ang physical distancing ngunit pinakakain naman daw nila ang mga tao doon.

Napatanong tuloy si Tata Selo kung bakit hindi dinala ang ibang mga kababayan natin sa kalapit na indoor Rizal Memorial Coliseum at Ninoy Aquino Stadium na parehong may air-con. Bawal daw bang gawin yung 2 na pansamantalang lugar ng mga kababayan? Sana ay naiwasan ang pagkadikit-dikit ng mga tao.

Aba’y mahigit pang 10K ang lululan diyan sa NAS at RMS na makakapuwesto ng may tamang agwat ng layo.

Natatandaan daw ni Tatang na nakapanood siya ng concert ng Beatles noong ika-4 ng Hulyo 1966 sa Rizal Memorial open-air arena kung saan nagsisiksikan ang mga kababayang stranded ngayon. Sa show raw ng Fab 4 ay mahigit 40k silang sumaksi. Kaso nainis ang Unang Ginang dahil hindi siya binigyan ng importansya. Hayon kumaripas sina John, Paul, George at Gringo sa airport upang umuwi na.

Ang Rizal Memorial Sports Complex ay sinimulang itayo noong 1927 at pormal na binuksan sa publiko noong 1934 para sa Far Eastern Games. Disenyo ang Art Deco ng National Artist na si Juan Arellano. Nasira noong giyera pero kinumpuni para sa 1954 Asian Games. Ito ay ang panahon na tayo pa ang hari sa basketball at iba pang sport sa Asya.



Dito rin ginanap ang mga SEA Games taong 1981, 1991, 2005 pati ang 2019 na may simbolong kalderong ginastusan ng P50M.

***

Bukas ay panauhin ng palatuntunang Sports Page ni Sev Sarmenta sina Brandon Vera at Mark Abelardo. Ang programa sa One Sports ay matutunghayan sa ganap na alas-sais ng gabi mula Lunes hanggang Miyerkules. Noong isang araw ay mga guest ng batikang sportscaster sina JuneMar Fajardo at Marc Pingris gayundin sina Fred Uytengsu, Jeffrey Cariaso at Tony de la Cruz ng Alaska.

Wala man mga actual game ay nakikita at naririnig din natin ang paboritong mga atleta at coach.

Work from home gaya ng iba sa atin si Prof Sarmenta ng Ateneo.

Mabuti at may mga app tulad ng Zoom, Google Meet at Streamyard para sa ganitong mga sitwasyon.