Advertisers
Nitong Biyernes ay nagbitiw na sa puwesto si Coach Aldin Ayo ng Growling Tigers. Tinanggap naman ito ng USTe kinabukasan.
Puwersado siyang mag-resign dahil umalis o pinaalis na sa posisyon ang hepe ng UST Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) ilang araw pagputok ng balitang Bicol bubble.
Ayon sa ating ibong pipit ay alam ni Fr Jannel Abogado, ang sinipang pinuno ng IPEA, ang plano ngunit hindi niya pinagbigay-alam sa mga kaparian o sa opisina ng Rector. Wala rin daw ginastos ang unibersidad sa Sorsogon misadventure.
Dagdag pa ng ating source na mga player daw humiling kay Coach Ayo na muling mag-training sa hometown nito na dati na nilang ginawa noong hindi pa pandemic.
Aminado si Pepeng Kirat na mahusay na mentor ang beleaguered na 2x na kampeon. Kaso raw ay sumobra bilib sa sarili kaya nakagawa ng mali. Hayun sumabog sa mukha niya ang error in judgement.
Una raw naka-lockdown tayo eh bakit sila nangahas na lumabag sa tinakdang alituntunin ng gobyerno. Paano raw nakarating sa bayan ni Ayo samantalang mahigpit sa pagbiyahe? Sino nag-isyu ng travel authority? May approval din ba ito ng LGU?
Saka grabe ba pagsuway ni CJ Cansino sa kanya kaya agad niyang initsapwera sa team? Hayun tuloy nabisto ang kanilang patagong pag-eensayo.
Pero sa pagsumite ng produkto ng Letran College ng resignation letter ay hindi natatapos ang isyu. Pinaiimbestigahan na ng DOJ sa NBI ang kontrobersya. Maaari siyang ipagsakdal kung mapatunayan na may sala.
Hindi naman siya pwedeng lumipat na lang sa NCAA. Mag-iingat ang ibang eskwelahan habang may inquiry pa ang mga ahensya ng pamahalaan. May pagtanggi rin ang eskwelahan sa Muralla na pinamamahalaan din ng mga Dominicano.
Ngunit darating din ang panahon na makakabalik pa ang ex-La Salle tactician. Ika nga ni Ka Berong ay dapat lahat may 2nd chance. To err is human nga naman. Sana mapagtanto niya ang bigat ng kasalanan lalo’t 3-term konsehal pa siya ng Sorsogon City. Makakaakyat pa nga raw ang Bicolano sa PBA balang araw.
***
Pinatutunayan ng Houston Rockets na kaya ng mga maliliit makipagsabayan sa malalaki sa NBA. Nasa 2nd round na sila ng playoffs at panalo pa sila sa Game 1 nila ng Los Angeles Lakers.
Sentro nila si PJ Tucker na 6’5 ang taas pero stocky ang built. Kapalitan niya ang 6’7 na si Jeff Green. Siyempre gang-rebounding sino man ang lima sa loob. Matatapang sa ilalim at sa depensa ang alin mang combination ni Coach Mike D’Antoni.
Tanong ngayon ni Tata Selo kung kaya ng Team Pilipinas gayahin ang istilo ng tropa nina James Harden.
Palagay natin pwede basta’t mabibilis, may puso at may tres ang karamihan ng kasapi sa Gilas. Higit sa lahat ay dapat ituring nila na malaking karangalan ang mapili na magsuot ng pambansang jersey.