Advertisers
SA wakas ay umaksyon na din ang Comission on Higher Education (CHED) sa mga naiiulat na kabulastugan sa Lyceum Internationl Maritime Academy (LIMA) na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Dr. Peter Laurel na Presidente din ng Lyceum of Batangas-Laguna.
Sa isang mensahe ng CHED-Region 4-A noong September 2, 2020 ay hiniling ni Loupel B. Gueta, Education Supervisor II na aksyunan ni Laurel ang hinggil sa reklamo sa LIMA na nakaabot sa naturang ahensya ng pamahalaan.
Ang mensahe ni Gueta ay dumaan sa tanggapan nina Everlyn De Castro ng Lyceum of Batangas, Jeandolot Deerit, ng LIMA, at mga opisyales ng CHED Region 4-A. Inaasahang napasakamay naman agad sa tanggapan ni Laurel ang mensahe ng CHED.
Ang LIMA ay nasa ilalim ng management ng Lyceum of Batangas at may mga silid-aralan at pasilidad sa Brgy. Cuta, Batangas City. Pinamamahalaan ito ng isang Alexander A. Gonzales, Dean ng Maritime Academy ng nasabing institusyon.
Tinatayang may humigit-kumulang na sa 800 mga student cadet ang sumailalim sa di sanctioned ng CHED na In House Policy ng LIMA na siyang pinag-ugatan ng katakot-takot na anomalya sa nasabing academy.
Sinasabing maraming katiwalian na pinaggagawa si Gonzales sa pagpapatakbo ng nasabing akademya at nasabit pa sa mga katarantaduhan nito ang kanyang kalaguyo o kabit na empleyada sa paggawa ng pagkaka-perahan mula sa mga estudyante.
Idinetalye ang mga kabalbalan na kinasasangkutan ni Gonzales batay sa sinumpaang salaysay na napasakamay ng SIKRETA, ngunit ilan pa lamang ang pormal na nakakarating sa tanggapan ng CHED.
Hiniling ni Gueta sa kanyang mensahe na bigyang linaw ni Laurel ang reklamong Fraudulent Practice in the Lyceum International Maritime Academy (LIMA) sa looban ng tatlong araw mula sa pagkatanggap sa kalatas ng CHED.
Kabilang pa lamang sa sisiyasatin ng CHED ay ang panlilinlang ni Gonzales sa CHED tulad ng “substitution” o nagpapalit ng propesor o instructor sa LIMA tuwing may nakatakbang monitoring and inspection ang team ng CHED sa nabanggit na eskwelahan.
Hindi kwalipikadong propesor ang mga nagtuturo ng kaukulang asignatura (subject) sa naturang akademya, unqualified ang faculty, wala namang lisensya ay pangkaraniwang binibigyan ng teaching load ni Gonzales pagkat mababa ang salary grade nito.
Inihalimbawa ng ating source ay ang isa daw 3rd Marine Officer o 3rd mate ay pinagtuturo ng Seamanship 2 at Seamanship 5 na dapat ay itinuturo ng isang management level officer tulad ng isang Master Mariner.
Ang mga subject na kinapapalooban ng simulator na mandatory namang itinuturo ng isang master mariner ay isang Junior Officer lamang tulad ng Segundo Opisyal (2nd Officer) o Tersero Opisyal (Thirdmate) ang humahawak.
Ngunit kapag malapit na ang pagbisita ng CHED-MARINA Evaluation and Inspection Team ay saka lamang pinapalitan ni Gonzales ng isang lehitimong propesor na may management level training tulad ng Kapitan (master mariner) o Chief Engineer.
Kung wala namang available faculty ay kumukuha si Gonzales ng bagong propesor na hindi naman kasalukuyang nagtuturo sa akademya. Muli namang ibinabalik ang teaching assignment sa di kwalipikadong faculty pagkatapos ng evaluation and inspection ng CHED-MARINA. Para palang basketball games ang sistema ng edukasyon sa LIMA?
Ito ay isa lamang sa patikim sa pandarayang ginagawa ni Gonzales sa CHED at tutukan natin ang proseso ng pagsisiyasat kaugnay sa reklamo kay Gonzales.
Hindi pa natin matiyak kung magiging pokus din ng paglilinaw ng CHED ang iba pang reklamo laban kay Gonzales tulad ng pagpapatakbo ng school canteen ng dummy ng dekano kung saan nagbabayad ang mga estudyante kada araw ng mula Php 175-Php 220.
Kinokolektahan din ni Gonzales ng halagang Php 150 ang mga student cadet na dapat ay libreng inuming tubig ng mga ito. May negosyong mineral water refilling station si Gonzales at doon kinukuha ang binabayarang drinking water ng mga student cadet.
Sinisingil din sila ng bayad sa laundry ng mga beddings na hinahakot pa ng sasakyan ng dean sa nakatakdang araw. Sapilitan ding binebentahan ang mga student cadet ng t-shirt na kinukubra ng empleyadang “kulasisi o kalaguyo” ni Gonzales.
Nagbabayad din sa bawat community extension activities (comex) ang mga estudyante na dapat ay libre pagkat kasama sa binabayarang tuition fee. Hindi sa school accounting department binabayaran at kung anu-ano pang di makatwirang kagastusan.
Pati ang kada pagpapagupit ng buhok mga estudyante ay pinagkakitaan din ni Gonzales ng Php 28,000, kalahati nito ay naibubulsa ng naka-detailed service sa LIMA na coastguard personnel.
Pinaghahatian daw nina Gonzales at ng coast guard in detailed officer ang Php 20.00 na komisyon mula sa pobreng barbero na nagse-service sa haircut ng mga nasabing estudyante?
Sa oras din ng kanyang trabaho bilang dean ng naturang akademya ay may lihim na tutorial extra job pala ito. Bagama’t si Gonzales ang ka-transaksyon ng mga magulang at estudyante upang personal na magturo ng asignatura (subject) ay itinatalaga nitong magturo ang mga higher paying faculty.
Kaya sa halip na makamenos sa bayarin sa tutorial services ang mga estudyante ay lalo pang lumalaki ang kagastusan ng naturang mag-aaral.
May napakadelikadong bunkering services pa diumano si Gonzales. Sa oras ng kanyang trabaho bilang LIMA dean ay nagpapadeliber si Gonzales ng mga produktong petrolyo sa mga barko sa Batangas City Bay at maging hanggang sa Pola, Oriental Mindoro. Baka milyonaryo na nga si Dean Gonzales kung tunay ang sumbong na ito?
Pinangakuan diumano ni Gonzales ang mag-aaral at ang kanilang mga magulang na bago pa man makapagtapos sa kontrobersyal na In-House Policy ang mga student cadet sa LIMA ay alam na ng bawat isa sa mga ito kung alin ang mga kompanya ng barko ang kanilang sasampahan.
Ngunit nalaman ng mga apektadong magulang at estudyante mula sa Lyceum of Batangas management na wala naman palang barko at sasakyang dagat ang LIMA para matiyak na maisasakay ang mga nasabing estudyante.
Ang suspetsa, napaiikutan si Laurel, kaya di nito karakang naamoy ang umaalingasaw na kabulukan ni Gonzales?
Si Laurel ay isang Juran Medal Awardee, isa sa pinakamataas na gawad bilang pagkilala sa mataas na kalidad at walang kapantay na pamamahala ng isang negosyo, asosayon at iba pang kaugnay nito sa daigdig at di nito dudungisan ang imahe ng kanilang mabunying pamilya.
Apo si Peter Laurel ng dating dakilang Pangulo ng bansa na si Jose P. Laurel. Siya ay anak ng educator at naging senador, Dr. Sotero Laurel na tagapagtatag ng Lyceum of the Philippine University-Manila.
Kaya ang paniniwala ng SIKRETA di kukunsintehin ni Peter Laurel, di ito papayag na wasakin at kulapulan ng putik ang kanyang pangalan ng isa lamang Dean Alexander A. Gonzales?
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com