Advertisers

Advertisers

TIWALA NI DANAO, WAG SIRAIN!

0 572

Advertisers

PITONG PNP commissioned officer, lima dito ay mula sa dating pinamunuang Western Police District (WPD) ang iniuulat na pinaka-mapagkakatiwalaang opisyales ni CALABARZON PNP Director, P/BG Vicente Danao, Jr.

Kaya hindi nakapagtataka nang maluklok ang magiting na heneral sa CALABARZON, Region 4-A ay ipinagkatiwala nito na pamunuan ng kanyang mga pangunahing opisyales ang malalaki at sensitibong assignment sa kanyang hurisdiksyon.

Sa mga naturang PNP officials, masasabi natin na napaka-suwerte nina P/Col. Rex Arvin T. Malimban sa pagkakahirang dito ni General Danao Jr., bilang Batangas PNP Provincial Director. Si Malimban ay dating Region 4-A Intelligence (R2) Chief sa Camp Vicente Lim, Canlubang Laguna.



Si P/LtCol. Victor Sobrepeña na dating nakatalaga sa WPD ay hinugot naman ng heneral na pamunuan ang Tanauan City Police Office kapalit ng P/LtCol. Jack Angog, bigo raw si Angog na lansagin ang operasyon ng bentahan ng droga na ginagamit na front ay ang mga pasugalan sa Brgy. 7, Poblacion Tanauan City.

Kaya noong bago mag-Pasko ng nakaraang taon matapos na sibakin si Angog ay ipinaaresto ni RD Danao Jr., kay Sobrepeña ang mga notorious drug dealer na pumuposturang gambling operator sa nasabing lungsod na iniuulat pang pinoproteksyunan ng ilang barangay chairman na kaalyado ni Tanauan City Mayor Ageline “Sweet” Halili.

Samantala si P/LtCol. Antonio G. Rotol Jr., ay kabilang sa 18 PNP chief inspector (major) na kilala ring DDS na na-promote bilang superintendent (LtCol.) noong 2014 sa Davao Region ay nauna kay General Danao na nailipat sa Batangas PNP Provincial Office.

Kaya nang mahirang ang kilalala ring DDS na si Danao Jr., na pamunuan ang CALABARZON PNP ay nanatili si Rotol Jr., sa kanyang puwesto bilang police chief ng Lipa City Police Office.

`Ang marching order ni General Danao Jr., kay Malimban, dapat na ipatupad kina Sobrepeña at Rotol Jr., ay lipulin ang kalakalan ng droga at iba pang uri ng kriminalidad sa kanilang Area of Responsibilty (AOR). Ipinairal din ni Danao Jr. ang No take, One Strike Policy at Internal Cleansing sa kanyang mga kapulisan.



Kaya bilang matatapat na alagad ni Danao Jr., ay inaasahang susunod sa doktrinang ito sina Malimban Jr., Rotol Jr. at Sobrepeña at lahat na opisyales at tauhan ng PNP Region 4-A.

Ngunit sa kabila ng pagsisikap nina Malimban, Rotol Jr., at Sobrepeña, mistulang kalawang namang sinisira ng ilan nilang tauhan ang hanay ng Batangas PNP dahil sa operasyon ng iligal na gasolinahan ng isang alias Estolano at ng hitman nito na si Alias Albert. May ulat na pinoprotektahan ng ilang PNP scalawag sina Estolano at Albert.

Maraming nailatag na outlet ng nakaw o binuriking petroleum product sina Estolano at Albert sa mga siyudad ng Lipa at Tanauan. Sa kabila ng napakatagal nang operasyon ng dalawang nabanggit na ilegalista ay di ang mga ito matinag nina Col. Malimban, Rotol Jr., at Sobrepeña.

Garapalan ang operasyon nina alias Estolano, wala itong petroleum depots, Mayor’s Business Permit to Operate, wala ring permit ng Energy Regulatory Board (ERB), walang Bureau of Fire Protection (BFP) Permit, Sanitary and Health Permit, walang Zoning Permit, wala ring Police Clearance at iba pang kaukulang dokumento para magbenta ng petroleum at oil product sa mga gilid ng kalsada at bangketa.

Kapal ng mukha, lakas ng loob at malakas na koneksyon sa ilang mga police scalawag, law enforcement units, local government at barangay official ang kapital nina Estolano at Robert para makapagmantine ng kanilang bawal sa batas na pinagkikitaan.

Malaking halaga ng grease money o suhol ang lingguhang naibubulsa ng kanilang mga protektor, kapalit ng malayang pag-ooperate nina Estolano ng illegal petroleum outlets.

Ang mga ibinebenta ng mga itong produktong petrolyo at langis ay nakahilera lamang sa mga bangketa at gilid ng kalsada at nakaimbak sa mga bote ng softdrinks, galon, at plastic container.

Mga tricycle, jeep at truck driver sa Lipa City at Tanauan City at maging sa kanugnog nitong mga bayan ang buyer ng produktong petrolyo nina Estolano na nagmumula pa sa pilferage syndicate o burikian na nag-ooperate sa mga barangay ng Sta. Rita Aplaya at Danglayan, kapwa sa Batangas City, South Harbor, Manila, Bulacan, at Mariveles at Limay, parehong sa lalawigan ng Bataan.

May pinagkukunan din ng pambentang petroleum product at langis sina Estolano sa gasoline station sa Tanauan City at Lipa City, kaya tunay na panganib sa buhay ng mga mamamayan at malaking balakid din sa mga motorista at pedestrian.

Naglunsad ng crackdown kamakalawa laban sa mga petroleum product vendors ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Provincial Office sa ilang lugar sa Lipa City na nagresulta sa pagkaaresto ng ilan ding nagtitingi ng gasolina, krudo, kerosene gas at oil product sa naturang lungsod.

Ngunit kinumpirma ng mga residenteng humingi ng tulong sa SIKRETA na patuloy pa rin ang bawal sa batas na pagbebenta ng petroleum at oil product sa mga pangunahing lansangan at maging sa tabi lamang ng barangay hall ng Brgy. San Carlos, Lipa City. Tuloy din ang operasyon ng nasabing iligal sa mga barangay ng Bolbok, Poblacion 1- Poblacion 12, Balintawak, Sabang, Bulacnin, Anilao, Anilao Labac, Bagong Pook, Bulaklakan, Dagatan, Calamias, Antipolo del Norte, Antipolo del Sur, Cumba,Tambo, Pinagkawitan, Inosluban, Kayumanggi, Mabini, Banay-banay, Pangao, Sampaguita, Santo Toribio, Pinagtungolan, Bugtong na Pulo, Lodlod, Pusil, San Sebastian (Balagbag) , San Benito, at iba pang mga lugar sa naturang lungsod.

Samantala sa Tanauan City ay di naman natinag ng CIDG at ni Lt Col. Sobrepeña ang mga pwesto nina alias Estolano at Albert sa mga Brgy. Santor, Ulango, Bagbag, Laurel. Balele, Poblacion1- Poblacion 7, Sambat, Darasa, Sulpoc, Suplang, Talaga, Cale, Tinurik, Trapiche, Wawa, Janopol, Luyos, Mabini, Malaking Pulo, Sala, Sambat, San Jose, Natatas, Bañadero, Pagaspas, Pantay Matanda, Pantay na Bata, Ambulong, Maugat, Bagbag, Bagumbayan at iba pa.

Sa nakaraan nating pitak ay nananawagan ang ating tagasubaybay na nagpakilalang ,Lipa City, Tanauan Trucking and Jeepney Operator na humiling kay General Danao Jr., na paaksyunan nito ang talamak at ilegal na operation ng petroleum at oil product outlets sa Tanauan City at Lipa City.

Ngunit bakit ba kailangan pang humantong sa pananawagan ng mga apektadong mamamayan natin para lamang mapaaksyunan kina Malimban, Rotol Jr., at Sobrepeña ang illlegal petroleum outlets sa kanilang hurisdiksyon?

Sayang lang ang tiwalang iniuukol ni General Danao Jr., kina Col. Malimban, kung kailangan pa ng pukpok bago magsikilos sina Rotol Jr., at Sobrepeña. Magkarooon naman sana kayo mga sir ng inisyatiba para masugpo si Estolano. Aba kung laging ganyan ang magiging pamantayan nina Malimban, Rotol Jr., at Sobrepeña sa kanilang pagtatrabaho ay di malayong mawalan na ng tiwala sa kanila si General Danao,Jr?

***

Para sa komento:Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com