Advertisers
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-rescue sa isang 30-anyos na ikalawang tripulanteng Pinoy mula sa lumubog na Panamanian-flagged vessel Gulf Livestock 1.
Palutang-lutang umano at sakay ng life raft ang seaman nang matagpuan sa karagatan ng East China, 2 araw matapos ang paglubog ng barko.
Ayon sa mga Japanese Coast Guard nakita nilang humihingi ng tulong ang Pinoy crew habang nasa gitna ng laot. Kinumpirma rin nilang conscious at kayang maglakad ng Pinoy crew nang suriin ito ng mga rescuers.
Ayon sa DFA, hindi muna isasapubliko ang pangalan ng na-rescue na Pinoy crew.
Naunang nai-rescue ang chief officer ng barko na si Eduardo Sareno at isang lalaki rin ang nasagip ngunit pumanaw na rin.
Matatandaan na lumubog ang cargo ship na may lulan ding 600 mga baka at 39 Filipino crew, kasama ang 2 tripulante na taga-New Zealand at 2 rin mula Australia.
Ayon pa sa DFA, tiniyak na rin ng may-ari ng barko at manning agency na kanilang ibibigay ang lahat ng suporta sa mga Filipino seaman at kanilang mga pamilya. (Josephine Patricio/Lordette Bonilla)