Advertisers
“NASAAN ang puso nyo? Tatanda rin kayo!’
Ito ang nagpupuyos na pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng order nitong sampahan kaagad ng kaso ang dalawang lalaki at isang babae na responsable sa literal na pagtatapon ng isang person with disability (pwd) at may sakit na lola sa ilalim ng tulay.
Ayon sa Manila social welfare department chief Re Fugoso ang biktima ay kinilalang si Lejicia Tan, 76-anyos, at napa-checked-up na rin at ngayon ay nasa pag-aaruga na ng Luwalhati ng Maynila, na siyang Home for the Aged located ng lungsod at matatagpuan sa Boystown Complex sa Marikina.
Kinilala naman ang tatlong suspek na pinakakasuhan na ni Moreno na sina Emerita Decilio, 60, vendor; tricycle driver Rogelio Espino, 53 at Ephraim Tan Yap, pamangkin ng biktima na nailigtas ng Manila social welfare department sa order ni Moreno matapos na i-post ng isang netizen ang picture ng isang inabandonang lola sa social media. Ang kaawa-awang lola ay makikita sa post na nakasalampak sa kanal habang litaw ang suot na diaper nito.
Ang mga suspek ay dinala sa mayor’s office ni Manila Police District- Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) chief Maj. Jhun Ibay kung saan sila ay kinapanayam mismo ni Moreno kung paano napunta at inabandona ang kaawa-awang biktima sa ilalim ng McArthur bridge, Sta. Cruz, Manila.
Sa pag-uusisa ng alkalde ay lumilitaw na si Decilio ay kinontak ni Yap upang tulungan siya na madala sa missionary ang kanyang tiyahin dahil di na aniya nya kayang alagaan ito at kalalabas lamang nito sa ospital. Sinabi naman ni Decilio na puno na ang missionary at ibang ahensya ng gobyerno na sinubukan niyang hingan ng tulong para sa matanda.
Sa takot na baka sa poder niya mamatay ang matanda ay tinawag niya si Espino at binigyang niya ito ng pera. Sinakay naman ni Espino ang matanda sa kanyang minamanehong tricycle at pagdating sa ilalim ng nabanggit na tulay ay saka niya ibinaba at iniwan ito hanggang sa makita ito ng isang netizen at saka kinunan ng litrato at pinost sa social media upang makita at matulungan ng tamang awtoridad.
Labis na ikinagalit ni Moreno ang pagtuturuan ng sisi ng mga suspek at marinig kung paano ginamit ni Yap ang pera upang takasan ang kanyang responsibilidad at gayundin si Decilio na ginamit ang pera para utusan si Espino at kung paanong ang lahat ng suspek ay hindi man lang nabagabag sa kanilang ginawa.
“Nasaan ang puso nyo? Tatanda din kayo!,” ayon kay Moreno na ibinaling ang galit sa pamangkin mismo ng biktima: “Ikaw, gusto mo ba pagtanda mo itapon ka ng anak mo sa me tabing ilog?,” kasabay ng pagpuri sa mabilis na aksyon ni Fugoso sa pag-kustodya sa matandang biktima.
Sa panig ni Fugoso ay sinabi nya na: “Hindi katanggap-tanggap ang ginawa nila kay Lola Legicia Tan. Tayo nga, pinagdadasal natin na humaba ang buhay ng tatay at nanay natin, tapos may gagawa ng ganitong pag-abandona sa isang may edad na.”
Inatasan ni Moreno si Ibay na ikulong ang mga suspek at sampahan agad ng kaukulang kaso kabilang na ang Abandonment of Person In Danger na may kaukulang parusa sa ilalim ng Article 275 ng Revised Penal Code (RPC). Hinikayat din ni Moreno ang mamamayan ng lungsod na panatiliihin ang tradisyong Pinoy na nag-aalaga sa mga matatandang miyembro ng pamilya na isang natatangi sa ating bansa.
“Bukod sa pananagutan sa batas, pagdating ng araw ay tatanda tayong lahat. Isang magandang kaugalian at ugali ng Pilipino ay malasakit sa tatay, nanay, lolo, lola o nakakatanda na patuloy nating pairalin…na naiiba sa buong mundo. Sa ibang bansa, nilalagay na lang sa pasilidad,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa ni Moreno na, “Higit sa lahat, paalala ko.. may Diyos po. Dun, mananagot kayo pagdating ng araw. Maaring makalusot ka sa mata ng batas pero sa Diyos hindi dahil lahat nakikita niya.”
Paulit-ulit naman ang pasalamat ni Moreno sa mga netizens na patuloy na magi-imporma sa pamahalaan sa mga iligal na gawain na nagaganap sa Maynila tulad ng nangyari kay Tan. (Andi Garcia)