Advertisers

Advertisers

WOW MALI

0 768

Advertisers

MAHABANG usapin ang kalusugan sa bansa at hindi na rin malaman ng mga Filipino ang tunay na kalagayan nito. Walang kredibilidad ang Kagawaran ng Kalusugan sa mga ulat nito. Pabago-bago ang mga estatistikang binabanggit kaya’t ganoon na lamang ang pagkalito ng mga tao, lalo na’t mga nag-aabang nito.

Hindi malinaw kung saan nanggaling ang datos sa pandemya-sa Kagawaran ng Kalusugan ba o sa COMELEC na may dagdag bawas? Ang tanging malinaw lamang dito ay tumataas ang bilang ng nagkakaroon ng pandemya.

Sa sitwasyong ito, ang tanong: Kaya bang magbigay-ayuda ng pamahalaan o maghihintay na lamang ba kung kailan ilalabas ang bakuna? Malinaw na bahala na si Batman sa tuon ng pamahalang dahil wala talagang mga balangkas na gagawin sa pagsawata ng pandemya.



Ang PhilHealth, na inaasahan nating ahensya na katuwang ng mga pagamutan sa pagharap sa pandemya, ay kasalukuyang nasasangkot sa maraming usapin ng korapsyon. Hindi lamang basta usapin, kundi bilyon-bilyong piso na usapin na tunay na ‘di maipaliwanag ng mga opisyal nito ang nagaganap na imbestigasyon.

Sa pagsilip, simula nang umupo ang pamahalaan ni Totoy Kulambo, nabalot ng korapsyon ang PhilHealth. Alam ba ninyo na tatlong beses pinalitan ang Presidente at CEO ng ahensyang ito dahil sa bawat panahon nila, iba’t ibang nakawan ang naganap? At sa kasawiang palad, hindi na muling napigilan ng isa sa tatlong umupong Pangulo o CEO ang kontrobersyang naganap.

Pangkaraniwan na binabanggit nila na mayroong mafia sa loob ng opisinang ito. Ito mismo ang alibi o excuse ng mga pinaupo ni Totoy Kulambo. Wala silang malinaw na ginawa upang mapigilan ang mga korapsyon ng mafia.

Ang matindi nito: Wala nang aksyon, tila nakisakay pa ang mga CEO na waldasin ang pondo ng PhilHealth, ang pondo ng mga obrero. May mga ugong na balita, na parang pag-aari ng mga pinaupong bossing nito ang korporasyon kung umasta.

Nariyan ang isang doktorang CEO mula sa Visayas, na tumira sa isang marangyang hotel malapit sa opisina ng PhilHealth, sa loob ng mahigit isang taon na akala mo’y pera niya ang ginagastos dito. Wow, sarap nito pero mali.



Ang isa namang CEO ay doktor din sa kanyang bayan sa Davao, na ngayo’y isang nakatalagang Assistant Secretary sa DOH. Usapin siya sa korporasyon na madalas itong bumalik sa bayan niya sa Davao upang magpraktis ng kanyang propesyon.

Ang kagalingan nito: Bawal nang manggamot ito bilang doktor sa panahong maitalaga sila bilang pangulo ng PhilHealth. Sa halip, ipinagpapatuloy niya ang kanyang trabaho. At alam niyo ba, patuloy rin itong nagc-claim ng kanyang professional fee sa kanyang pinamumunuang korporasyon.

Wow, isa na namang mali. At ang kanyang depensa sa kontrobersyang ito-mga back pay lamang ang kanyang kinokolekta. Opo, kinokolekta po, hindi kinolekta. Ang kagalingan pa nito: Na-appoint pa siyang ASec. sa DOH. Wow na wow mali.

Subalit ang malaking tanong dito: Sa liderato mo ba, nagkaroon ng malaking fraud sa isang hospital sa Visayas? Lalong wow mali.

Sa bawat kontrobersya ng mga presidente ng korporasyon, pinapalitan lamang sila ng mga taong malapit pa rin kay Totoy Kulambo. At narito ang pinakanuno ng kurapsyon-isang heneral ang sangkot sa coup d’état, kung saan naipalabas pa sa national TV, na kasapakat ng mga coup plotters.

Kontrobersyal ito dahil ang dating nito’y parang baon o ahente siya ng

diktador sa mga nag-alsang sundalo, kontra diktadura. At sa muling paglutang, siya’y pangulo na ng PhilHealth at bitbit sa kanyang balikat ang bilyon-bilyong pisong akusasyon na nawawala sa kaban ng ahensya.

Dahil sa dami ng perang dala nito, walang magawa si Totoy Kulambo, kundi payagan siyang mag leave-of-absence dahil sa usaping kalusugan. Hindi niya na nakayanan humarap sa pagdinig sa Kongreso at pinayuhan ng mahusay na doktor na hindi na kaya ng kanyang kalusugan ang pagdinig. Eh syempre, mga tenyente na ang humarap… ‘di wow.

Narito na ang pang-apat na pangulo muli ng PhilHealth, na ang tanging kaalaman ay law enforcement bilang nakaraang direktor ng NBI. Talagang wow mali ito. Sa bagong batas ng Univerasl Health Care Act (UHC), isinaad ang katangian ng magiging pinuno ng korporasyon. Kailangang sundin ng appointing authority ang katangian na isinasaad ng batas-kailangan ng pitong (7) taon karanasan sa public health, management, finance, health economic o kombinasyon ng mga ito. Meron ba nito si, Mang Dante G., o talagang ayaw lang sundin ang batas?

Sa ganitong uri ng mga pinaglalagay sa opisina ng pamahalaan na may batas na dapat sundin, ang pagtalaga sa mga ito ay talagang kaduda-duda. Ang kalidad nito ang unahin ninyo, bukod sa katapatan sa inyo o sa iyo. Sundin ninyo ang letra ng batas nang ‘di mapariwara ang paglaban sa pandemya at muling mauwi sa mga katiwalian. Huwag paikutan ang batas, at sa halip, sundin at ipatupad nang walang kinikilingan. Anong masasabi mo Mars sa pili ni Totoy Kulambo? Ano wow mali ba?

Sa mga Filipino, malinaw na po na ang nasa palasyo’y may batas para sa kanila at may batas para sa bayan. Huwag natin ugaliin at kasanayin na lagi na lamang tayong ginagago nang harapan habang tayo’y walang kibo. Umaapila ang unyon sa PhilHealth, kay Totoy Kulambo, na sundin ang batas at wala na kayong maririnig sa amin. Susunod lamang kami sa makatarungang utos, bitbit ng mga naging karanasan sa aming mga pinuno sa ahensya. Kaya bigyan ninyo ng puwang ang apila ng empleyado at unyon dahil sila ang tunay na nabibigatan sa nangyayaring katiwalian sa PhilHealth.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com